MANILA, Philippines — Malakas ang tiwala ng Philippine national team sa magandang kampanya sa kanilang pagsabak sa 2019 World Taekwondo Championships na gaganapin ngayon hanggang Mayo 20 sa Manchester, United Kingdom.
Sampung Filipino jins kabilang ang anim na male at apat na female ang magdadala sa SMART-MVP Sports Foundation team sa prehistiyosong torneo na sasalihan ng 94 bansa na kinabibilangan ng Korea, China, Spain, Iran, Turkey, Chinese-Taipei at Amerika.
Matatandaang nagpakita ng impresibong performance ang mga Pinoy jins sa nakaraang ASEAN tournament kung saan humakot sila ng 95 medalya.
Pangungunahan ni Kurt Brian Barbosa, lalahok sa -54-kg. category, ang kampanya ng bansa kasama sina Dex Ian Chavez (-58kg), Keno Anthony Mendoza (-63kg), Arven Alcantara (-68kg), Dave Cea (-74kg) at Samuel Thomas Harper Morrison (-80kg). Kabilang din sa koponan sina Veronica Garces (46kg), Baby Jessica Canabal (-49kg), Rheza Aragon (-53kg) at Pauline Louise Lopez (-57kg) ang aasahan sa women’s category.
Kasama sa 10-man team ang mga opisyales na sina Tem Igor Mella (head of team), Christian Al Dela Cruz at Carlos Jose Padilla V at mga coaches na sina Kim Hyoung (trainer) at Janneth Tenorio (photographer).
Ang partisipasyon ng Pilipinas ay sinusuportahan ng Philippine Sports Commission, PLDT, Meralco, Philippine Olympic Committee at Milo.