ILAGAN CITY, Isabela , Philippines — Sa pagtatapos ng kompetisyon ay dalawang gintong medalya ang inihabol ng Pilipinas sa 14th Southeast Youth Athletics Championships kahapon dito sa Ilagan Sports Complex.
Hinablot nina Hokket Delos Santos ng Ilagan City at Mariel Abuan ng Zambales ang gold medals sa kanilang mga events para idagdag sa pamumuno ni Ma. Khrizzie Clarisse Ruzol (2.60m) ng University of Santo Tomas sa girls’ pole vault.
Noong 2018 SEA Youth sa Singapore ay nag-uwi ang Philippine delegation ng isang silver at tatong bronze medals bago magtala ng kabuuang 3 golds, 7 silvers at 9 bronzes ngayong taon para sa fifth place finish.
Nagposte ang 5-foot-11 na si Delos Santos ng 4.20 metro sa boys’ pole vault para talunin sina Elliott Wee Junn (4.10m) at Heng Jee Kuan (3.80m) ng Singapore.
Lumundag naman ang 14-anyos na si Abuan ng 1.65m sa pagdaig kina Thanh Vy Nguyen (1.61m) at Quynh Giang Pham (1.58m) ng Vietnam.
“Challenging po kasi matatangkad ‘yung mga kalaban ko, kaya medyo kinabahan ako,” sabi ng Grade 6 student ng Botolan National High School sa Zambales.
Nag-ambag ng pitong pilak sina Daniel Noel Angelo Rambacal (44.29) sa boys’ hammer throw, Tina Rosete (26.83m) sa girl’s hammer throw, Charlaine De Ocampo (65.22) sa girls’ 400m hurdles, Jan Rey Gallano (56.65) sa boys’ 400m hurdles, Princes Jean Nalzaro (15.61 segundo) sa girls’ 100-meter hurdles, Jessa Marie Libres (2.32m) sa girls’ pole vault at ang mixed relay 4x400m team (3:40.47).
Nanguna sa 2019 SEA Youth Championships ang Thailand na may 16 gold, 8 silver at 4 bronze medals kasunod ang Vietnam (7-9-10), Malaysia (4-4-2) at Indonesia (4-2-2).
Bukod sa SEA Youth at Philippine Athletics Championship sa Marso 6-8 ay pamamahalaan din ng Ilagan City ang Luzon leg ng 2019 Batang Pinoy sa Marso 16-23.