MANILA, Philippines — Isang breakthrough win ang puntirya ng Azkals sa pagharap nito sa China ngayong gabi sa 2019 AFC Asian Cup sa Mohammed Bin Zayed Stadium sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Magtutuos ang Azkals at Dragons sa alas-5:30 ng hapon (9:30 ng gabi sa Maynila) kung saan kinakailangan ng mga Pinoy booters na makuha ang krusyal na panalo para manatiling buhay ang tsansang makapasok sa knockout stage.
Tanging ang dalawang mangungunang koponan lamang sa bawat grupo ang papasok sa Round-of-16, habang ang apat na third-placers na may pinakamagandang rekord ay mabibiyayaan din ng silya sa susunod na yugto.
Galing ang Azkals sa 0-1 kabiguan sa South Korea na beterano na ng World Cup at nagmamay-ari ng dalawang Asian Cup titles.
“Even if we lost, the confidence was high. I spoke to the players and the mood was good. They know they did a good job,” ani Azkals head coach Sven-Goran Eriksson.
Mas determinado ang Azkals sa pagkakataong ito dahil alam ng tropa na kaya nitong makipagsabayan sa matitikas na koponan sa rehiyon.
“I want to see that we can dominate (and) keep the ball better against China. It’s an extremely important game for us because if we lose and South Korea wins (against Kyrgyzstan), it’s over for us,” aniya.
Bahagyang kabisado ni Eriksson ang galaw ng Chinese players dahil nagsilbi itong mentor sa China sa loob ng apat na taon.