Blazers, Knights pinatibay ang kapit sa final 4
MANILA, Philippines — Naitakas ng College of Saint Benilde ang 91-87 panalo laban sa University of Perpetual Help System Dalta upang mapatatag ang kapit sa ikatlong puwesto sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Apat na miyembro ng Blazers ang nagtulung-tulong upang kubrahin ang kanilang ikapitong panalo laban sa tatlong kabiguan.
Nanguna si Yankie Haruna na kumana ng 19 markers, anim na rebounds, tatlong assists at tatlong steals habang naglista naman si James Pasturan ng 17 markers at tatlong boards para sa Benilde na tangan ang 7-3 kartada.
Nagdagdag pa si Unique Naboa ng 14 habang gumawa si Slam Dunk king Justin Gutang ng 13.
“It’s a big win for us, it gave us separation for the Final Four by at least two games. If you want to get into the playoffs, you have to win this kind of tight games,” ani Benilde head coach TY Tang.
Naipanalo ng Blazers ang laro sa kabila ng monster game ni Prince Eze na gumawa ng 36 markers at 17 boards para sa Perpetual Help.
Naglista pa si Jelo Razon ng 18 subalit nawalan din ito ng saysay para tuluyang mahulog ang Altas sa 5-5 win-loss slate.
Malaking kawalan sa panig ng Perpetual Help si starting guard Edgar Charcos na nagtamo ng injury sa tuhod.
Hawak ni Charcos ang averages na 17 points, 4.3 rebounds, 3.9 assists at 1.9 steals bago ang injury.
Sa ikalawang laro, ibinuhos ng Colegio de San Juan de Letran ang emosyon nito upang kunin ang 99-82 panalo laban sa Arellano University para sumulong sa 7-3 rekord.
Tatlong manlalaro ang nagtala ng 20-plus points sa pangunguna ni Bong Quinto na may 26 at Larry Muyang na naglista ng 23.
Hataw din si JP Calvo ng 20 markers para sa Letran.
Naglaro ang Knights nang wala si Jerrick Balanza na nadiskubreng may brain tumor.
Nanawagan si Balanza ng panalangin na maging matagumpay ang kanyang operasyon at mabilis na makarekober.
Mangangailangan ang Letran ng P500,000 para sa operasyon ni Balanza.
Bagsak sa 4-6 ang Chiefs.
- Latest