Mas malakas ang signal ng HD Spikers

Laro sa Martes (Cadiz City Arena, Negros Occidental)

4:15 p.m.Cignal HD vs Sta. Lucia 

7 p.m.Petron vs  Foton  

MANILA, Philippines — Nagtulung-tulong sina Rachel Ann Daquis at My­lene Paat para sa ma­gaang na panalo ng Cignal HD Spikers laban sa Smart-Army Giga Hitters sa straight sets lamang 25-10, 26-24, 25-18 kahapon sa pagpapatuloy ng 2018  Philippine Superliga Invitational Conference sa Strike Gym sa Bacoor, Cavite.

Sa umpisa pa lang ay ipinakita na ng HD Spikers ang mahigpit na depensa kung saan umani sila ng kabuuang 12 blocks at magandang opensa para angkinin ang ikalawang sunod na panalo at pa­ngu­nahan ang Pool B sa 2-0 win-loss kartada.

Makaraan ang mada­ling panalo ng HD Spikers sa unang set, 25-10 na natapos lamang sa loob ng 19 minuto, hindi na naka-rekober pa ang Giga Hitters sa labanang inabot lang ng isang oras at 18 segundo.

Ang Giga Hitters ni coach Kungfu Reyes ay nakatikim ng kanilang u­nang talo sa dalawang laro kaya bumagsak sila sa ikatlong puwesto.

Samantala, magpapa­hinga ng ilang araw ang PSL Invitational Confe­rence para magbigay-daan sa PSL On Tour sa Martes sa Cadiz City, Negros Occidental kung saan maghaharap ang Cignal HD Spikers at Sta. Lucia Lady Realtors sa alas-4:15 ng hapon.

Show comments