Ladon, Macado kakasa sa semis

MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na kamada nina Rio Olympics veteran Rogen Ladon at Ramel Macado para makahirit ng tiket sa semifinals ng 2018 President’s Cup International Boxing Tournament na ginaganap sa Daulet Sports Complex sa Astana, Kazakhstan.

Kapwa nagrehistro ng unanimous decision win sa kani-kanilang dibisyon sina Ladon at Macado para makapasok sa medal round ng torneong nilahukan ng 170 boxers mula sa 13 bansa.

Pinataob ni Ladon si Al Kuandikov ng Kazakhstan sa pamamagitan ng impresibong 5-0 desisyon sa men’s flyweight (52 kg.) habang namayani naman si Macado kay Erzhan Zhomart ng Kazakhstan sa men’s light flyweight (46-49 kg.).

Parehong nakatiyak ng opening-round bye sina Ladon at Macado.

Hindi naman pinalad na makapasok sa medal round sina Olympian at Incheon Asian Games silver medallist Charly Suarez, Southeast Asian Games champion Marvin John Tupas at female boxer Caroline Calungsod matapos matalo sa kani-kanilang laban.

Yumuko si Suarez kay Shunkor Abdurasulov ng Uzbekistan sa quarterfinals ng men’s lightweight (60 kg.) habang tumupi si Tupas sa kanyang unang pagsalang sa men’s light heavyweight  (81 kg.) laban kay Nurmagambet Bi ng Kazakhstan.

Hindi rin nakaporma si Calungsod kay Jitpong Jutamas ng Thailand sa wo­men’s 57 kg. class. (CCo)

Show comments