MANILA, Philippines - Sumipa si dating Southeast Asian Games champion Veronica Domingo ng apat na medalya kabilang ang dalawang ginto sa 2017 Florida State Taekwondo Championship na ginanap sa Hilton Orlando Lake Buena Vista Palm Ballroom sa Florida, USA.
Nasungkit ng three-time US Open Taekwondo Championship gold winner ang kanyang unang gintong medalya matapos pagreynahan ang women’s heavyweight ultra sparring (33-40) sa torneong nilahukan ng mahigit 600 jins mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Muli itong kumubra ng ginto sa team poomsae event (Over 31) bago magkasya sa pilak na medalya sa women’s individual poomsae 31-40 (Under 40) at sa poomsae pair (Over 31) categories.
“It feels good to win medals for our country. Through hard training and constant practice, nakukuha ko yung tamang kundisyon especially sa poomsae dahil nung time ko wala pa namang poomsae. Ngayon, sanay na ako,” wika ni Domingo na nagwagi ng gintong medalya sa 2003 Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Nakapilak din ang dating Survivor Philippines castaway sa 2005 Manila SEA Games at tanso naman sa 2006 Asian Games na ginanap sa Doha, Qatar.
Kamakailan lamang ay nakasikwat si Domingo ng tansong medalya sa 2017 US Open Taekwondo Championships na ginanap sa Westgate Las Vegas Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Nakasentro ngayon ang atensiyon ni Domingo sa ilang malalaking international tournaments na lalahukan kabilang na ang World Taekwondo Championships Ultra.