MANILA, Philippines - Itinanghal na Female Athlete of the Year si Philippine Swimming League standout Paula Carmela Cusing sa ginanap na Athletes Awards Night ng Diliman Preparatory School.
Napili si Cusing matapos ang kanyang impresibong ipinamalas sa mga international competitions sa nakalipas na taon.
Lumahok si Cusing sa Indian Ocean All-Star Challenge sa Perth, Australia gayundin sa Winter Kanto Swimming Championship sa Tokyo, Japan.
Napasakamay naman ni Albert Sermonia ang Male Athlete of the Year nang humakot ito ng gintong medalya sa Indian Ocean All-Star Challenge sa Australia, Buccaneer Swimming Championship sa Japan, Stingray Swimming Meet sa Hong Kong, SICC Swimming Championship sa Singapore at sa Hamilton Swimming Championship sa United Arab Emirates.
Ang iba pang awardees ay sina Paul Christian King Cusing, Ehm Alavi Chafi, Elie Alavi Chafi, Mckiro Agbanlog, Lee Grant Cabral, Kurt Peters, Shane Majinbun, Kervee Pastoril, Jen Sermonia at Jewel Sermonia.
Mismong sina DPS President at dating Sen. Nikki Coseteng at DPS Athletic Director Rensy Bajar ang nag-abot ng parangal sa mga natatanging atleta.
Lumalahok din ang mga DPS athletes sa monthly competition ng PSL.
Sa katunayan, nasungkit ng DPS Dragons ang tatlong sunod na overall team championship sa huling mga edisyon ng PSL National Series.
Sunod na sasabak ang PSL tankers kasama ang DPS swimmers sa Thanyapura Swimming Championship na idaraos sa Phuket, Thailand ngayong linggo.