MANILA, Philippines – Mag-uunahan ang San Beda College at Lyceum of the Philippines na makuha ang ikatlong sunod na panalo sa kanilang pagtutuos ngayong araw sa women’s division ng NCAA Season 92 volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Ang mananaig sa Red Spikers at Lady Pirates sa alas-11:30 ng umaga ang siyang uusad sa unahan ng standings kasalo ang defending champion St. Benilde at San Sebastian College na may parehong 3-0 baraha.
Magkasama ang San Beda at Lyceum sa ikatlong puwesto bitbit ang magkatulad na 2-0 marka.
Pinayuko ng Red Spikers ang Emilio Aguinaldo Lady Generals, 27-25, 25-17, 25-22 at Perpetual Help Lady Altas, 25-19, 20-25, 25-21, 25-21 habang namayani ang Lady Pirates kontra Letran Lady Knights, 21-25, 25-16, 21-25, 25-22, 15-10 at Jose Rizal Lady Bombers, 25-23, 25-10, 25-21.
Magandang tulong para sa San Beda ang partisipasyon nito sa Shakey’s V-League Collegiate Conference kung saan tunay na umusbong si open hitter Francesca Racraquin na may average na 17.0 puntos kada laro.
Hahataw din ang Arellano University laban sa Mapua Institute of Technology sa alas-10 ng umaga.
Sa men’s division, nakatakda ang engkuwentro ng Arellano at Mapua sa alas-8:30 ng umaga gayundin ang Lyceum at San Beda sa ala-una ng hapon.
Magkasama ang Chiefs at Red Lions sa unahan hawak ang 2-0 marka.
Tinalo ng Arellano ang San Sebastian, 25-16, 25-20, 25-12 at Emilio Aguinaldo, 25-21, 25-22, 25-13. Ang Mapua naman ay may 2-1 marka.
Lalarga ang nag-iisang juniors match tampok ang Lyceum at San Beda sa alas-2:30.