Alcantara-Rungkat tandem kumakasa pa

MANILA, Philippines – Umabante sa quarterfinals sina Filipino Francis Casey Alcantara at Indonesian Christopher Rungkat matapos sorpresahin ang kanilang mga beteranong karibal sa doubles event ng $75,000 ATP Challenger Philippine Open na ginaganap sa Rizal Memorial Tennis Center.

Malakas na puwersa ang pinakawalan nina Alcantara at Rungkat sa huling sandali ng laro upang itarak ang 4-6, 7-6 (10) 10-7 panalo laban kina top seed Ilija Bozoljac ng Serbia at Andreas Siljestrom ng Sweden.

Makakaharap nina Alcantara at Rungkat sa susunod na yugto sina Marco Chiudinelli ng Switzerland at Lukas Lacko ng Slovakia na nagtala ng 6-4, 6-3 panalo laban kina Gong Mao-Xin ng China at Yi Chu-Huan ng Chinese-Taipei.

Sa pagpasok sa quarterfinals, makakasiguro na sina Alcantara at Rungkat ng $960 premyo kalakip ang 17 ATP ranking points.

“It’s a good win for us and we’re hoping to bring this momentum in the quarterfinals,” pahayag ni Alcantara na dating Australian Open juniors doubles champion.

Sa singles, ginulantang ni Italian Gianluca Naso si fifth seed Kimmer Coppejans ng Belgium, 6-3, 7-6 (4), upang umusad sa quarterfinals.

Show comments