MANILA, Philippines – Babasagin ng San Beda Red Lions ang ipinagmamalaking depensa ng Jose Rizal University Heavy Bombers, habang magpapatibayan ang Arellano Chiefs at Perpetual Help Altas sa ikatlong puwesto sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan, City.
Magsisimula ang laro sa alas-2 ng hapon at nais ng Red Lions na manatiling nasa ikalawang puwesto kung masusungkit ang ikaanim na panalo.
May 4-2 baraha ang Heavy Bombers at kasalo nila ang Chiefs at Altas sa ikatlong puwesto kaya’t pursigido ang tropa ni Vergel Meneses na manalo upang gawing apat ang kanilang arangkada sa liga.
Mag-uunahan ang Chiefs at Altas sa pagbangon matapos ang kabiguan sa huling laro sa kanilang pagkikita sa alas-4 ng hapon.