Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. Globalport vs Talk ‘N Text
5:15 p.m. San Miguel vs Purefoods
MANILA, Philippines — Babaunin ni playing coach Manny Pacquiao sa kanyang pagbiyahe sa United States ang kabiguan ng Kia.
Tinapos ng Blackwater Elite ang dalawang sunod na pamamayagpag ng Carnival matapos kunin ang 115-104 panalo para wakasan ang kanilang tatlong dikit na kamalasan sa 2015 PBA Commisisoner’s Cup kagabi sa San Juan Arena.
Ito ang ikalawang panalo ng Blackwater ni mentor Leo Isaac sa walong laro, habang nalasap ng Kia, pansamantalang iiwanan ni Pacquiao para magsanay sa Wild Card Boxing Club bilang paghahanda kay Floyd Mayweather, Jr., ang kanilang pang-limang kabiguan.
Binuksan ng Carnival ang laro mula sa three-point shot ni 7-foot-4 import PJ Ramos at dalawang sunod na basket nina Kyle Pascual at LA Revilla para sa kanilang 7-0 abante.
Bumalikwas naman ang Elite para ilista ang 18-point lead, 39-21, sa 7:54 ng second period.
Naputol ng Kia ang naturang kalamangan sa 5 points, 57-62, sa 8:36 ng third quarter hanggang muling nakalayo ang Blackwater sa 109-97 buhat sa dalawang sunod na jumper ni Eddie Laure sa huling 59 segundo.
Tumipa si point guard Brian Heruela ng career-high na 27 points, 8 rebounds at 7 assists, habang kumolekta si naturalized player Marcus Douthit ng 24 markers, 13 boards, 6 assists at 5 shotblocks para sa Elite.
Humakot naman si Ramos ng 49 points, 14 rebounds at 3 assists sa pagbandera sa Carnival.
Tanging si Leo Avenido ang nasa double figures para sa Kia sa kanyang 10 markers.
Blackwater 115 - Heruela 27, Douthit 24, Salvacion 22, Gamalinda 10, Llaure 7, Reyes 6, Erram 6, Bulawan 6, Ballesteros 4, Faundo 2, Celiz 1.
Kia 104 - Ramos 49, Avenido 10, Cervantes 9, Bagatsing 9, Thiele 8, Revilla 8, Buensuceso 3, Cawaling 2, Dehesa 2, K. Pascual 2, Yee 2, Poligrates 0, Alvarez 0, Burtscher 0.
Quarterscores: 29-21; 56-42; 83-69; 115-104.