TEAM STANDING W L
Meralco 3 0
*Purefoods 2 0
Barako Bull 2 0
Talk ‘N Text 2 1
Rain or Shine 2 1
Globalport 1 2
Kia 1 2
San Miguel 0 1
Alaska 0 1
NLEX 0 1
Ginebra 0 2
*Blackwater 0 2
*naglalaro pa
as of presstime
Laro Ngayon
(San Juan Arena)
5 p.m. Alaska vs NLEX
MANILA, Philippines - Inakala ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao na nang maiposte nila ang 15-point lead sa huling dalawang minuto ng third quarter ay madali nilang makakamit ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Ngunit hindi basta-basta isinuko ng Globalport ang laban.
“I thought at times we would win with some comfort, but they just kept coming back even in the last few possessions,” wika ni Guiao.
Mabuti na lamang at naging mainit ang mga kamay ni Paul Lee.
Umiskor si Lee ng 25 points, kasama rito ang 5-of-9 shooting sa three-point range at perpektong 10-of-10 clip sa free throw line, para tulungan ang Elasto Painters sa 104-98 panalo laban sa Batang Pier sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nag-ambag si import Rick Jackson ng 16 points kasunod ang 10 ni Jervy Cruz para sa 2-1 record ng Rain or Shine katabla ang Talk ‘N Text.
Itinala ng Elasto Painters ang 15-point advantage, 71-56, mula sa basket ni Jackson sa huling 2:34 minuto ng third quarter.
Subalit naputol ito ng Batang Pier, may 1-2 baraha ngayon katulad ng Kia Carnival, sa 94-98 mula sa tatlong sunod na tres ni Terrence Romeo sa huling 42.1 segundo ng final canto.
Huling naghamon ang Globalport sa 98-101 buhat sa follow up ni Stanley Pringle matapos ang split ni import CJ Leslie sa nalalabing 18.7 segundo.
Ang tatlong free throws nina Lee at Jonathan Uyloan ang tumiyak sa panalo ng Rain or Shine.
“We’re just trying to string up as many wins as we can,” wika ni Guiao. “We’re still not 100%. We’re struggling with execution and with our defensive energy.”
Umiskor sina Romeo at Leslie ng magkatulad na 29 markers kasunod ang 16 ni Pringle sa panig ng Batang Pier.
Kasalukuyan pang naglalaban ang nagdedepensang Purefoods Hotshots at Blackwater Elite habang sinusulat ito.
Tangka ng Hotshots na masikwat ang kanilang ikatlong sunod na panalo upang makasalo sa liderato sa pahingang Meralco Bolts.
Samantala, nakatakdang magtuos ang Alaska Aces at ang NLEX Road Warriors ngayong alas-5 ng hapon sa San Juan Arena.
Rain or Shine 104 - Lee 25, Jackson 16, Cruz 10, Chan 9, Belga 9, Tang 8, Uyloan 7, Norwood 7, Araña 6, Almazan 3, Tiu 2, Quiñahan 2, Ibañes 0.
Globalport 98 - Leslie 29, Romeo 29, Pringle 16, Isip 8, Buenafe 4, Ponferrada 4, Miranda 3, Jensen 3, Semerad 1, Taha 1, Caperal 0, Pinto 0, Baclao 0, De Ocampo 0.
Quarterscores: 27-20; 53-52; 75-58; 104-98.