MACAU--Ilang araw pa bago ang laban ay nagproklama na ang Team Algieri ng tagumpay laban kay Filipino champion Manny Pacquiao.
Sa kanilang final press conference noong Huwebes ng gabi, ipinakilala ni Bob Arum ang trainer ni Algieri na si Tim Lane ay sinabing “Welcome to the Chris Algieri show.”
Iniunat ng dating kickboxing champion at ngayon ay boxing trainer ang kanyang mga braso sa hangin.
Nangako si Lane, nakilala si Algieri bilang isang kickboxer halos 15 taon na ang nakakaraan, ng “great show” mula sa kanyang unbeaten fighter sa Linggo dito sa Cotai Arena.
“And you will go Al-Gie-Ri! Al-Gie-Ri! Al-Gie-Ri!” sabi ni Lane.
Ngunit halos walang naging reaksyon ang mga dumalo dahil anuman ang sabihin ng kampo ng Team Algieri, ito pa rin ang isang Manny Pacquiao show.
Si Pacquiao ang tumatayong heavy favorite kung saan ayon sa mga oddsmakers, ang tayang $14,000 kay Pacquiao ay magbibigay ng $100.
Sinabi naman ng isa pang trainer ni Algieri na si Keith Trimble na gugulatin ng kanyang boksingero ang buong mundo kapag tinalo si Pacquiao.
Sa laban ni Algieri kay Ruslan Provodnikov noong Hunyo ay sinabi ni Trimble na si Algieri ay hindi binigyan ng anumang pagkakataong manalo.
Tumayo si Algieri mula sa dalawang knockdowns sa opening round at tinalo ang Russian boxer.
“And in November 23, Chris will once again be victorious, remain undefeated, at 21-0, and will become the new WBO welterweight world champion,” wika ni Trimble.
Nakaupo naman malapit sa podium ang trainer ni Pacquiao na si Freddie Roach.
Halos ayaw nang bitawan ng promoter ni Algieri na si Joe DeGuardia ang microphone at binalak pang ikuwento ang naging kabataan ni Algieri na pumasok sa kanyang opisina.
“I was impressed with everything he was outside the ring. He’s always a winner. He’s a winner in everything, in his studies, in kickboxing and in boxing,” sabi nito.
Si Algieri naman ang nagsalita.
“The talking is done the hard work is done. And I’m not going to say much. It’s time to do work. You don’t want to miss this,” sabi ni Algieri.