MANILA, Philippines - Sinamantala ng Air Force Air Spikers ang kakulangan ng karanasan ng Ateneo Lady Eagles para kunin ang ikaapat at huling upuan sa semifinals sa 25-20, 25-22, 25-22, straight sets panalo sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference playoff kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Napag-iwanan ang Air Spikers ng Lady Eagles sa attacks, 32-39, at sa service aces, 1-8, pero naisantabi ang mga ito sa nakuhang 34 puntos mula sa errors ng kampeon sa UAAP.
Bunga nito, nakuha ng Air Force ang karapatan na labanan ang nangungunang koponan na Army Lady Troopers sa best-of-three semifinals.
Magsisimula ang Final Four sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa sa Huwebes at ang pumapangalawang PLDT Home Telpad Turbo Boosters at nagdedepensang kampeon Cagayan Valley Lady Rising Suns ang maglalaban sa isang puwesto sa championship round.
Si Judy Ann Caballejo lamang ang nasa double digits para sa nagwaging koponan sa 11 hits mula sa 10 kills at isang ace.
Ngunit umani ng mga mahahalagang puntos ang koponan mula kina Liza Deramos at May Ann Pantino para punuan ang mahinang laro nina Maika Ortiz at Joy Cases sa kinamadang lima at anim na puntos lamang.
Naghati sa 14 hits sina Deramos at Pantino at ang una ay namayagpag sa blocks sa ikalawang sets habang ang huli ay nagpakawala ng matitinding pag-atake matapos ang huling tabla sa 22-all sa ikatlong sets.
“Ang ginawa lamang namin ay nag-focus lang sa game. Ang concentration doon lang talaga,” wika ni Deramos na may 3 blocks para tulungan ang koponan sa 8-4 bentahe.
May pitong digs pa si Pantino para suportahan ang 12 ni Mary Ann Balmaceda.
Nagwakas ang limang sunod na panalo ng Ateneo para samahan ang National University na namaalam na sa liga.
May 15 kills at 3 aces tungo sa 18 puntos si Valdez, si Julia Morado ay may 40 excellent sets at si libero Dennis Lazaro ay may 16 digs.
Ngunit di napigil ng Ateneo ang mga errors sa krusyal na tagpo ng laban, para maunsiyami ang habol na titulo sa liga.