MANILA, Philippines - Sina triathlete Vicky Deldio at swimmer Roxanne Yu ang siyang magbubukas ng kampanya ng Pilipinas sa Youth Olympic Games na opisyal na magsisimula ang aksyon ngayon sa Nanjing, China.
Si Deldio ay sasalang sa ganap na alas-9 ng umaga sa Xuanwu Lake para subukin ang kakayahan laban sa 31 iba pang triathletes sa 750-meter swim, 20-km bike at 5-km run distance.
Si Yu ay magbabaka-sakaling maalpasan ang heats sa 100-meter backstroke na gagawin sa Olympic Sports Center Natatorium.
Nakapasok ang dalawang lady athletes matapos maabot ang qualifying marks sa kani-kanilang events.
Pero alam ng dalawang atleta na iba ang laban dito at nangakong gagawin lamang ang makakaya para bigyan ng disenteng marka ang sarili sa Olympics para sa manlalarong edad 14 hanggang 18 gulang.
Pitong atleta ang panlaban ng Pilipinas at ang iba pang kasali ay sina Ava Verdeflor sa gymnastics, Zion Rose Nelson sa athletics, Celdon Jude Arellano sa shooting at sina Bianco Roxas-Chua Gotuaco at Luis Gabriel Moreno sa archery.
Si Verdeflor ay lalaro sa Lunes, sina Nelson at Arellano ay sasalang sa 400-m heats at air rifle sa Miyerkules habang sa Biyernes kakampanya sina Gotuaco at Moreno.
Nasa 3,600 ang atleta mula sa 202 bansa ang maglalaban sa 28 sports at 222 gintong medalya ang nakataya sa kompetisyong matatapos sa Agosto 28.