Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
11 a.m. DLSU vs ADMU
4 p.m. UST vs FEU
MANILA, Philippines - Muling magpapanagpo ang magkaribal na La Salle at Ateneo sa isa na namang giyera sa 77th season ng UAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Maghaharap ang Archers, ang nagdedepensang kampeon, at ang Eagles ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang banggaan ng FEU Tamaraws at ng UST Tigers sa alas-4 ng hapon.
Pipilitin ng La Salle ni head coach Juno Sauler na makabangon mula sa 77-82 pagyukod sa FEU sa pagbubukas ng torneo noong nakaraang Sabado.
Target naman ng Ateneo ni Bo Perasol ang kanilang pangalawang sunod na panalo matapos gibain ang Adamson, 79-57.
“Walang ka-edge-edge ang Ateneo against La Salle sa lahat ng posisyon,” wika ni Perasol.
Kumpiyansa naman si Sauler na makakabawi ang kanyang koponan mula sa kabiguan sa Tamaraws.
“A loss is not good and sometimes a win is not good. What’s more important, whether you win or lose, you are learning from the mistakes you committed,” wika ni Sauler.
Sa nasabing pagkatalo sa FEU ay nagtala si La Salle superstar Jeron Teng ng masamang 4-of-15 fieldgoal shooting.
Sa ikalawang laro, tatargetin naman ng Tamaraws ni Nash Racela ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Tigers ni Bong Dela Cruz, nakalasap ng 40-59 pagyukod sa NU Bulldogs.