Pagara brothers wagi sa Mexicans

MANILA, Philippines - Kumuha ng kambal na panalo ang magkapatid na sina Albert at Jason Pagara laban sa mga Mexican boxers sa idinaos na Pinoy Pride 26 noong Sabado sa Waterfront Cebu City Hotel.

Tinotohanan ni Pagara ang naunang pabiro na suntok sa baba kay Hugo Partida na nangyari sa weigh-in noong Biyernes at ito ang pinuntirya niya tungo sa first round TKO panalo.

Tatlong beses na humalik ng lona ang Mexicano at nagdesisyon si referee Bruce McTavish na itigil na ang laban sa 1:18 ng round matapos ang ikatlong knockdown mula sa matinding kaliwa ng 20-anyos na si Pagara.

Naunang nagkaroon ng asaran ang dalawang boksi­ngero sa timbangan nang ilapit ni Partida ang mukha nito kay Pagara na gumanti nang ilagay ang kamao sa baba nito.

Ang panalo ay ika-21 sunod ni Pagara at ika-15th KO tagumpay para bitbitin din ang bakanteng IBF Inter-Con­tinental super bantamweight title.

Naunang nagpasikat ay ang 25-anyos na si Jason nang kunin ang fourth round TKO panalo laban kay Mario Meraz para mapanatiling hawak ang WBO International light welterweight title.

Bumagsak si Meraz sa una at ikaapat na round at ang serye ng suntok mula kay Pagara ang naging hudyat ng referee na si Danrex Tapdasan na tapusin na ang bakbakan sa 2:59 ng round.

Ito ang ika-34th panalo sa 36 laban ni Pagara at ika-21st KO para iparamdam na handa na siya para sa  mas mabigat na laban sa susunod na sampa niya sa ring.

Nanalo rin ang  world challenger na si  AJ Banal pero nauwi sa tabla ang laban ni Jimrex Jaca.

Bumangon si Banal sa pagkakatumba sa first round nang kunin ang TKO panalo sa second round laban kay Defry Palulu ng Indonesia.

Napatumba rin ni Jaca sa unang round si Masayoshi Kotake ng Japan pero nagkauntugan ang kanilang mga ulo at nagkaroon ng malaking putok sa kilay ang Hapon upang ideklarang technical draw ang labanan.

 

Show comments