Leonard nagbunga ang paghihirap, Finals MVP

SAN ANTONIO--Nasaktan si Kawhi Leonard nang nakahulagpos sa San Antonio Spurs ang NBA title noong nakaraang taon.

Kaya tiniyak niya sa sarili na mas magiging mahusay ang ipakikitang laro sa taong ito.

Hindi niya binigo ang sarili, ang mga kakampi at mga tagahanga ng Spurs dahil binalikan nila ang dating two-time defending champion Miami Heat nang pagharian ang best-of-seven series sa 4-1 iskor.

Si Leonard ang isa sa malaking dahilan kung bakit nakuha ng San Antonio ang ikalimang NBA title dahil sa malalaking numero mula sa Game Two.

Dahil sa naipakita, siya ang ginawaran ng NBA bilang Finals MVP na ibinigay ng 11-time champion na si Bill Russell.

“Right now, it’s just surreal to me,” wika ni Leonard. “I have a great group of guys behind me.”

Naghatid ng 22 puntos at 10 rebound si Leonard bago na-foul out sa Game Five na ginawa sa San Antonio. Wala namang masamang epekto ang paglisan sa laro dahil sapat na ang ginawa para tulungan ang koponan sa 104-87 demolisyon sa Heat.

Ito ang ikatlong sunod na tambak na panalo na naiposte sa Heat para lagyan ng tuldok ang kanilang dominasyon sa koponang tumalo sa kanila sa pitong laro noong 2013.

Matapos ang selebrasyon ay haharapin ng Spurs ang  mga katanungan sa magiging desisyon ng kanilang mga tumatandang superstars na sina Tim Duncan, Manu Ginobili at Tony Parker.

Pero anuman ang kanilang sunod na hakbang, tiyak na mayroon pa rin  masasandalan ang Spurs para pangunahan ang title defense sa katauhan ng 22-anyos, 6’7 forward.

 

Show comments