Monfort dinala ng Barako sa Ginebra

MANILA, Philippines - Magkakasama na ang mga dating Ateneo Blue Eagles na sina LA Tenorio, Japeth Aguilar at Eman Monfort sa Barangay Ginebra.

Ito ay matapos aprubahan ng PBA Commissioner’s Office ang one-on-one trade sa pagitan ng Gin Kings at ng Barako Bull Energy sangkot sina Monfort at reserve guard Rob Labagala.

Dinala ng Ginebra si Labagala sa Barako Bull para makuha si Monfort, naglaro sa Ateneo Blue Eagles sa UAAP.

“The proposed trade between Ginebra’s Rob Labagala and Barako Bull’s Eman Monfort has been approved by the PBA,”  wika ni PBA Commissioner Chito Salud sa kanyang official statement.

Ang 5-foot-7 guard na si Monfort ay naglista ng mga averages na 10.75 points, 2.6 rebounds at 4.6 assists para sa Energy sa kanyang walong laro sa nakaraang 2013 PBA Governors’ Cup.

Nagkaroon si Monfort ng isang broken wrist injury na nagpaupo sa kanya sa 2013 PBA Philippine at Commissioner’s Cup.

Ito ang ikalawang sunod na aksyon na ginawa ng Energy matapos sibakin si Rajko Toroman bilang ‘active consultant’ noong Miyerkules.

Posible pang magkaroon ng trade sa pagitan ng Ginebra at Barako Bull sa araw ng 2013 PBA Rookie Draft sa Linggo.

Bitbit ng Energy ang No. 4, 5 at 6 overall picks at sinasabing ibibigay ng Barako Bull sa Gin Kings ang kanilang No. 4 pick kapalit ni Dylan Ababou.

Handa ring ibigay ng Energy ang kanilang fifth pick para sa isang player ng Petron Blaze Boosters.

Show comments