MANILA, Philippines - Handang magsakripisyo ang mga bata pero mahuhusay na volleyball players na napili para buuin ang candidates pool na magpapakitang-gilas sa Philippine National Games sa huling linggo ng Mayo sa Manila.
Sa pormal na presentasyon ng mga nakuhang manlalaro kahapon sa PSC canteen, sinabi ni team captain Angeli Tabaquero na ang magkaroon ng pagkakataon na mapabilang sa national team na siyang pangarap ng mga manlalaro ay sapat na para hindi sila panghinaan ng loob.
“Dream ng mga players matapos mag-college ang makasama sa national team pero noon, hirap mangyari dahil hindi strong ang foundation ng association.Kaya blessing itong nangyari at kahit mga baguhan kami, ang maipapangako namin ay maibibigay ang aming best sa pagsasanay at sa bawat laro,†pahayag ni Tabaquero.
May 33 mga kilalang manlalaro sa UAAP at NCAA ang nakuha na sasanayin at patutunayan ang sarili sa PNG na siyang magdedetermina kung puwede silang maging national team na posibleng maglaro sa tatlong international competitions tampok ang SEA Games sa Myanmar.
Ramdam ng mga players ang suporta dahil bukod sa mga malalaking tao sa private sectors, naroroon din ang mga sports officials sa pamumuno nina POC secretary-general Steve Hontiveros at PSC commissioner at officer-in-charge Salvador Andrada.
Bagama’t parehong sinabi nina Hontiveros at Andrada na patuloy na hindi makikialam sa problema ng Philippine Volleyball Federation (PVF), ang pag-upo sa VIP ay masasabing senyales na panig sila sa grupo na tinutuligsa ang nakaupong PVF president na si Gener Dungo.
Si Ateneo athletic director at dating PVF treasurer Ricky Palou ay pormal na ring naghayag ng kanyang kahandaan na tanggapin ang pampanguluhan ng samahan.
“Wala namang offer pero kapag may mga nakakausap ako, sinasabi nila na ikaw na lang ang maging president. Lahat naman ito ay nakadepende sa mga stakeholders at kung gugustuhin nila, willing akong tanggapin ang posisyon,†paliwanag ni Palou.