LOS ANGELES -- Ikinonekta ni Kobe Bryant ang panablang 3-pointer sa huling 5 segundo sa regulation period at isinalpak ang isang go-ahead basket sa natitirang 10 segundo sa overtime para tulungan ang Los Angeles Lakers sa 118-116 pagtakas sa Toronto Raptors at ilista ang kanilang ikalawang sunod na come-from-behind win.
Bumangon ang Lakers mula sa isang 25-point deficit upang biguin ang New Orleans Hornets noong nakaraang Miyerkules.
Nakabalik naman ang Lakers buhat sa isang 15-point deficit sa regulation para talunin ang Raptors sa overtime at makalaban ang Utah Jazz para sa No. 8 seat sa Western Conference playoffs.
Tumapos si Bryant na may 41 points at 12 assists, habang humakot naman si Dwight Howard ng 24 points at 13 rebounds.
Binanderahan ni DeMar DeRozan ang anim na Toronto players mula sa kanyang 28 points.
Sa Miami, kumolekta si LeBron James ng 25 points at 10 rebounds, habang naglista si Dwyane Wade ng 22 points para pamunuan ang Miami Heat sa 102-93 panalo kontra sa Philadelphia noong Biyernes ng gabi.
Ito ang pang-12 sunod na regular-season win ng Heat kontra sa 76ers at ika-13 sa Miami.
Nakamit din ng Heat ang kanilang pang-17 sunod na arangkada sa kabuuan para sikwatin ang unang playoff slot sa season.