Pagsuspindi kay de Jesus may basbas ng board

MANILA, Philippines - Ang mayorya ng Philippine Volleyball Federation (PFV) board ang siyang nagdesisyon na suspindihin ang dating secretary-gene­ral na si Vangie de Jesus.

Ito ang inihayag ni PVF president Gener Dungo nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate upang sagutin ang akusasyon laban sa kanya na ibinato ni de Jesus.

Ipinakita ni Dungo sa mga mamamahayag ang board resolution na ginawa noong Pebrero 23 sa Lingayen, Pangasinan na nagsasaad na sinususpindi si  de  Jesus  bilang secretary-general at pinabubuwag ang itinatag niyang Phi­lippine Volleyball National Committee.

“Walo sa 15 board mem­bers ang dumalo sa meeting at napagpasyahan na suspindihin si de Jesus sa kanyang puwesto at italaga si Roger Ban­zuela bilang kanyang kapalit,” wika ni Dungo.

Idinagdag din niya na sinuportahan niya ang naunang plano ni de Jesus na magtatag ng Philippine Volleyball National Committee pero nagkaroon ng mga pagtatanong sa magi­ging papel ni Ramon “Tatz” Suzara lalo pa’t hindi siya opisyales ng PVF.

Dahil dito, ipinabuwag na rin ng board ang committee dahil naniniwala silang malalagay sa alanganin ang  asosasyon kung itutuloy ito.

Show comments