MANILA, Philippines - Nagtaka si Go Teng Kok kung bakit hindi maresolba agad ng Philippine Olympic Committee (POC) ang nawawalang kopya ng desisyon ng Korte Suprema na nagbasura sa kanilang apela patungkol sa pagkakatanggal ng persona non grata na ipinataw sa athletics head noong nakaraang taon.
Sa idinaos na Balitaan sa Hotel Rembrandt kahapon na kung saan si Go ay isa sa mga naging bisita, sinabi niyang simpleng problema at simpleng solusyon lamang ang dapat na gawin ng POC kung tunay na hindi nila ginagamit ang bagay na ito bilang delaying tactics upang madiskaril ang planong labanan sa pampanguluhan ang nakaupong pangulo na si Jose Cojuangco Jr.
“Imposibleng hindi sila nakakuha ng desisyon. Sakaling hindi pa nila nakikita ang kopya, ang dapat nilang gawin ay kausapin lang ang kanilang abogado dahil nabigyan na siya ng kopya,” wika ni Go.
Si Atty. Luis Rivera ang siyang nagrepresenta sa POC nang umapela na baligtarin ang desisyon ng Pasig Regional Trial Court na nagsabing ilegal ang ipinataw na persona non grata kay Go dahil hindi ito dumaan sa due process.
Sa nakuhang kopya sa Supreme Court, lumabas na ibinigay na kay Atty Rivera ang desisyon at may receipt number na 52845.
“Maaaring napahiya si Atty. Rivera dahil natalo ang POC nang hindi sumipot sa mga pagdinig kaya itinago na lamang niya ang desisyon at hindi ipinakita sa POC,” dagdag ni Go.
Hindi pa idinedeklara si Go bilang official candidate ng 3-man committee on election pero agad nilang kikilalanin ang pagtakbo kung makuha na ang kopya ng Supreme Court.
Dahil dito, hindi makapangampanya si Go pero hindi natitinag sa tsansang sorpresahin si Cojuangco na nagbabalak na maupo sa pampanguluhan sa ikatlong sunod na termino.
Ang eleksyon ay gagawin sa Nobyembre 30 sa Alabang Country Club.