Balik sa pagiging main man o take charge guy si Enrico Villanueva matapos na ipamigay siya ng Barangay Ginebra San Miguel sa Barako Bull Energy Cola sa simula ng 38th season ng Philippine Basketball Association.
Kitang-kita ang panibagong tikas ni Villanueva sa bawat laro niya. Halos double-double nga ang kanyang mga numero.
Sa unang pitong games ng 2012-13 Philippine Cup, si Villanueva ay nag-average ng 13.71 puntos at 9.57 rebounds bukod pa sa 2.71 assists, 0.57 steal at 0.57 blocked shot sa 31.57 minuto. At sa haba ng kanyang playing time ay kaunti lang ang kanyang errors. Bale may kabuuang siyam na errors pa lang siya.
So, ibig sabihin ay very efficient si Villanueva at tila at home siya sa sistema ni coach Edmundo “Junel” Baculi.
Sa totoo lang, sa umpisa ng torneo ay sinabi ni Baculi na ang kanyang bagong main man ay si Ronald Tubid, na maganda naman ang naging performance sa kanilang 80-77 panalo kontra Air21.
Si Tubid daw ang inaasahan ni Baculi na gumanap sa papel na iniwanan ng two-time Most Valuable Player na si Willie Miller na nalipat sa Globalport Batang Pier sa four-team trade na kinasangkutan nga din ni Villanueva.
So far, maganda din naman ang laro ni Tubid dahil sa seven games ay may average siyang 13 puntos, 3.86 rebounds, 2.43 assists at 0.29 steal sa 33.57 minuto.
Pero mas naaasahan si Tubid sa pagdepensa at pangungulit sa scorers ng kabilang koponan. Iyon, higit sa kanyang opensa, ang pinakamalaki niyang kontribusyon sa Barako Bull.
Sa pagdedeklarang si Tubid ang main man ni Baculi, kahit paano’y hindi mabigat ang pressure sa balikat ni Villanueva. Alam niya na sinabi ng kanyang coach na hindi siya ang main man. So, mag-aambag lang siya kung ano ang puwede niyang iambag sa koponan.
Ang kapuna-puna kay Villanueva ay tila may secod wind ang kanyang career ngayon.
Tila bago nga siya sa Barako Bull. Kasi nga, hindi ba’t nagsimula ang kanyang professional career sa Red Bull kung saan tinawag siyang Raging Bull.
Siya na nga ang Best Player of the Conference ng huling torneo kung sana nagkampeon ang Red Bull.
Pero nang malipat siya ng koponan ay lumaylay na ang performance at numero ni Villanueva. Bago napunta sa Barangay Ginebra San Miguel ay naglaro rin si Villanueva sa San Miguel Beer (ngayo’y Petron Blaze) at Purefoods Tender Juicy Giants (ngayo’y San Mig Coffee).
At sa mga koponang ito ay hindi naman siya ang naging ‘focal point.” Sa San Miguel ay nandoon si Danny Ildefonso. Sa Purefoods ay naroon sina Kerby Raymundo at Marc Pingris. Sa Barangay Ginebra San Miguel ay naroon sina Eric Menk, Rudy Hatfield at Billy Mamaril.
Dito sa Barako Bull ay si Villanueva ang talaga ang big man na puwedeng asahan sa gitna. Malaki nga si Mick Pennisi pero mas at home itong maglaro at tumira sa labas. Kaya nga okay silang pagsabayin ni Villanueva. Ang karelyebo ni Villanueva sa gitna ay ang kapwa niya Atenistang si Doug Kramer.
Marami pang ibang big men ang Barako Bull gaya nina Riel Cervantes, Dave Marcelo at Jason Ballesteros pero pawang hilaw pa ang mga ito.
Magutuluy-tuloy lang ang buti ng laro ni Enrico, baka puwede siyang Most Improved Player.
Pero siyempre, kailangan ding umangat sa team standings ang Barako Bull para mangyari ito.