EDITORYAL - K to 12 program adapat nang ibasura

Sa mismong bibig ni President Ferdinand Marcos Jr. nanggaling na walang magandang bunga ang K to 12 program. Marami umanong mga estudyante ang hindi nakakakuha ng trabaho kahit nagtapos ng Senior High School. Nagastusan lamang umano ang mga magulang sa nasabing programa tulad ng matrikula at pambili ng school supplies sa loob ng 10 taon. Ipinapaubaya na umano niya sa Kongreso kung aamyendahan o aalisin na ang K to 12.
Sa ginawang Pulse Asia Survey noong Marso 23-29, nasa 42 percent ang nagsabing hindi sila satisfied sa K to 12 program. Sa survey pa rin ng Pulse Asia ukol naman sa Senior High School (SHS) program, 40 percent ang dissatisfied.
Kamakailan, inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pagdinig ng Senado na tinatayang 18.96 milyon na senior at junior high school students na nagtapos noong 2024 ang hindi marunong bumasa at makaunawa ng simpleng istorya.
Ang kahinaan ng mga estudyanteng Pilipino ay napatunayan noong 2022 kung saan nangulelat sa Science, Math at Reading Comprehension ang maraming junior high school students. Hindi sila nakaabot sa required proficiency levels.
Bagsak din ang Pinoy students sa creative thinking assessment na isinagawa rin ng PISA noong 2022. Ikalawa sa kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa 64 na bansang sumailalim sa PISA assessment. Nakababahala rin ang kahinaan ng mga estudyanteng Pilipino sa Kasaysayan.
Sa nangyayaring ito, epektibo pa ba ang K to 12 program o dapat na itong alisin.
Sa ilalim ng K-12 program, ang mga mag-aaral ay dadaan sa: 1 taon sa Kindergarten, 6 na taon sa elementarya, 4 na taon sa junior high school, at 2 taon sa senior high school. Sa dati o lumang programa, 6 na taon sa elementarya at apat na taon sa high school ang binubuno na may kabuuang 10 taon.
Sa loob ng 10 taon (2013-2023) mula nang ipatupad ang K-12 program, walang nakitang pagbabago sa sistema ng edukasyon. At ang nakapanlulumo, hindi makakuha ng trabaho o ayaw tanggapin ng mga kompanya ang mga nagtapos ng SHS.
Kung nadidismaya ang Presidente sa naging bunga ng K to 12 program, dapat atasan niya ang Department of Education (DepEd) na gumawa ng hakbang ukol dito. Hindi dapat ipagpatuloy ang isang programa na walang napapakinabang. Maski ang puno na hindi namumunga ay dapat putulin. Kung walang pakinabang sa K to 12, ibasura na ito.
- Latest