Lebadura ng tinapay, nauusong ‘pet’ sa China!
PATOK ngayon sa mga kabataan sa China ang kakaibang uri ng “pet” na hindi nangangailangan ng espesyal na pag-aalaga dahil ito ay hindi hayop kundi lebadura ng tinapay o yeast.
Sa halip na mga aso o pusa, maraming kabataan ang namumuhunan ng oras at pansin sa simpleng garapon ng activated yeast na pinapakain lang ng harina at tubig.
Tinatawag ito ng mga Chinese netizens bilang “face worm” sa social media, at bahagi na ng lumalaking trend ng “static pets” o mga bagay tulad ng bato, buto ng mangga, kahon, o kahit toothpaste na nagsisilbing low-maintenance na pet para sa mga abalang kabataan.
Ayon sa mga sumubok na, swak daw ang pet yeast para sa mga ayaw ng responsibilidad na dala ng tradisyunal na alaga: “Hindi kailangan ipasyal sa labas, walang kalat, at hindi stressful alagaan,” anang isang miyembro ng online community ng pet yeast owners.
Kapag nagsawa ka na, maaari mo pa itong lutuin at gawing tinapay, kaya walang guilt o emotional burden na kasama.
Paliwanag ng mga eksperto, gaya ni Zhao Meng ng Wuhan Wudong Hospital, tumutugon ang mga static pet sa pangangailangan ng kabataan na makahanap ng “companionship” nang hindi nadaragdagan ang pressure at gastos ang kanilang abalang buhay.
“Nagbibigay ito ng simpleng ligaya at secure na attachment,” ayon naman kay psychotherapist Du Hemin, dahil hindi ito nagkakasakit o nangangailangan ng tuluy-tuloy na atensyon, bagay na umaayon sa nauusong “lazy healing” lifestyle ng maraming kabataan sa China.
- Latest