Impeachment trial, aariba na!
MATAPOS mabugbog-sarado si Senate President Chiz Escudero dahil sa delaying tactics niya sa impeachment trial kay VP Sara Duterte, pormal nang sisimulan ngayon ang kontrobersiyal na paglilitis. Naging mainitan ang deliberasyon kamakalawa ngayon sa Senado sa pagitan ng mga pabor at tutol sa pagsusulong ng trial.
Nanaig pa rin ang mga naniniwalang sundin ang itinatadhana ng Konstitusyon na matapos maiharap sa Senado ng Mababang Kapulungan ang impeachment complaint, dapat itong aksyonan ng Mataas na Kapulungan.
Matapos ang maraming oras sa debate sa plenaryo napilitan si Escudero na manumpa na bilang presiding officer ng paglilitis. Wala ring nagawa ang mga kapanalig ni Duterte tulad nina Senador Bato dela Rosa at Robin Padilla na ibasura ang trial. Magugunita na si Sen. dela Rosa mismo ang nagpaikot ng resolusyon para ibasura ang trial.
Ang iba pang Senador na tatayo bilang judges ay inaasahang nakapanumpa na rin. Dapat naman talagang idaos na ang trial bilang pagtalima sa atas ng Konstitusyon. Ang anumang pagpigil dito ay malinaw na paglabag sa Saligang batas.
Sa araw na ito, magko-convene na ang Senado bilang isang impeachment court. Ang kuwestiyon ngayon, sa dami ng mga senador na kumikiling kay VP Sara, magkaroon kaya ng conviction? Iyan ang aabangan ngayon sa Senado ng sambayanan.
Para sa akin, hindi na ang acquittal o conviction ni VP Sara ang importante kundi ang pagdaraos ng trial na isang mandatong Konstitusyonal ng Senado.
- Latest