May trabaho na nga, naghanap pa ng sahod

DALAWANG rason kaya parami nang parami ang nagugutom na pamilya:
Una, masiyadong mahal ang pagkain.
Ikalawa, masyadong maliit ang kita.
Kamakailan lang naipatupad ng Marcos Jr. admin ang pangakong P20 kada kilo na bigas. Pilit na ibinababa ito sa P48 kada kilo mula P62. Pero ang sinasakal sa pamamagitan ng maximum suggested retail price ay mga manininda sa palengke. Binabantaan sila ng kaso. Samantala, hinahayaan tumubo nang limpak-limpak ang kartel ng importers at wholesalers.
Pinatawan din ng MSRP ang mga tindero ng pork. Pero hirap ang mga manininda tumupad, kasi mahal din ang presyong pasa sa kanila ng dealers. ‘Yung dealers naman ay umaasa rin sa presyo ng malalaking piggeries. At ang piggeries naman ay bumibili ng sobrang mahal na pataba at gamot kontra African Swine Fever.
Ang sagot ng gobyerno ay puro import ng bigas at pork. Pinapayaman ang ibang bansa.
Samantala, napakaliit ng kita ng magpapalay. Nagyabang ang National Food Authority na kesyo namimili raw ito ng dried fresh stocks sa halagang P24 kada kilo. Pero mismo sa Nueva Ecija, rice granary ng Pilipinas, ang bilihan ay P15-P15.50 lang kada kilo. Saad ‘yan sa mga text groups ng mga magpapalay.
Mapanlinlang pa ang datos ng gobyerno. Niyayabang halimbawa na mayroong trabaho umano ang 3 milyong Pilipino.
May trabaho nga pero wala namang suweldo, kasi unpaid housework ang ginagawa nila. Sila ay mga mayor de edad na nakikitira sa kamag-anak para lang may makain at matulugan. Kapalit ay nagtatrabaho sila sa bukirin, tindahan, o bahay nang walang sahod.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest