Wasto ang paghanda ni Gen. Brawner sa AFP
HINDI maikakaila: malapit nang lusubin ng Komunistang China ang Taiwan para ariin bilang probinsiya. At kung mangyari ‘yan, tiyak madadamay ang Pilipinas.
Wasto ang babala na ‘yan ni AFP chief Gen. Romeo Brawner. Kaya dapat lang umasta ang ating mga sundalo, sailor, at airmen na parang may digmaan na nga.
Palala nang palala ang pananakot ng People’s Liberation Army sa Taiwan. Pinapaikutan ang isla nang malalaki at maliliit na barkong pandigma. Maya’t maya pinapasok ng fighters ang airspace ng Taiwan. Nagpapasabog ang PLA ng missiles malapit sa pampang.
Unang misyon ng AFP kung lusubin ng Komunistang China ang Taiwan ay iligtas ang 250,000 Pilipino workers. Kakailanganin ng barko at eroplano—sibilyan o militar.

Delikadong may maiwan doon na Pilipino—baka alipinin ng mga malulupit na PLA, tulad ng ginawa nito sa Vietnam nu’ng 1979.
Walang puso ang PLA. Pumapatay ng mga sibilyang walang armas. Milyon ang pinaslang sa Tiananmen at iba pang lungsod nu’ng 1989. Milyon din ang ikinulong na Buddhist sa Tibet nu’ng 1950, at Muslim sa Xinjiang mula 2015.
Papasukin ng PLA-Navy at Air Force ang karagatan at airspace ng Pilipinas para lusubin ang Taiwan. Aangkinin nila ang Balintang Channel sa Batanes para lumusot sa Pacific Ocean sa silangan ng Taiwan. Dadagsain ang West Philippine Sea para sumugod mula sa timog kanluran ng isla. Gagambalain ang komersiyo ng Pilipinas.
Bilang paghahanda, ini-infiltrate ng Komunistang China ang AFP, media, business at civic groups, kongreso, at local governments. Nagpopropaganda kontra U.S. at Japan at nagkukunwaring mapayapang bansa. Ginagawa rin ‘yan sa Okinawa.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest