Sino makikinabang sa election fraud?
SA tingin ko, ang resulta ng katatapos na midterm election ay pabor sa kampo ng mga Duterte. Pati si dating President Digong na nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity sa The Hague ay nanalong mayor ng Davao City in absentia.
Pasok din sa top position sa Senatorial race ang mga masusugid na supporters ni Duterte tulad nina Senators Bong Go, Ronald dela Rosa, Rodante Marcoleta.
Sa kadulu-duluhan ay pasok din si Camille Villar at ang nagrebeldeng utol ni Presidente Bongbong Marcos na si Imee. At sa mga senador na hindi pa tapos ang termino, marami pa ring die-hard Duterte fanatics.
Kung numero ang basehan sa conviction ni VP Sara Duterte sa impeachment trial, malamang na maabsuwelto siya sa dami ng mga Senador na kapanalig niya. Kaya nga abot taynga ang ngiti ni Inday matapos ang eleksyon. Kaya nga ang tawag ni Harry Roque na nagtatago sa the Netherlands kay Marcos ay “lame duck”.
Porke pumasok ang dalawang kandidato na kilalang “dilawan” tulad nina Bam Aquino at Kiko Pangilinan, may mga sumisigaw na nakipag-alyansa ang Pangulong Bongbong Marcos sa mga dilawan upang ipanalo ang dalawang kahahalal na Senador. Dapat daw siyasatin ito ng Comelec.
Ano’ng pakinabang ang mapapala ng administrasyon pumasok man sa Senado sina Bam at Kiko? Wala. Mismong si Sara nga ay natutuwa sa resulta ng halalan dahil nakita niya ang maraming nahalal na pawang kapanalig ng mga Duterte.
Ang umaangal na lang ay puro political observers na maka-Duterte na nais palabasing may malawak na dayaan sa katatapos na eleksiyon. Mukhang humahanap lang sila ng dahilan para mabatikos si Marcos, Jr.
Kung yaon mismong major players at mga taong may stake sa halalan ay kuntento sa election results, huwag nang mag-imbento ng kapintasan ‘yung mga pseudo political analysts. Kung mayroong dapat malungkot sa resulta, dapat si Marcos mismo dahil kapag nalusutan ni Sara ang impeachment, tagilid siya!
- Latest