EDITORYAL — Sana ‘all’ sa P20 per kilong bigas

UMARANGKADA na sa Metro Manila at iba pang probinsiya ang P20 per kilong bigas na mabibili sa Kadiwa Stores. Unang nagbenta ng murang bigas noong Mayo 1, 2025 sa Cebu City na pinilahan ng mga Cebuano. Isang libong sako ng bigas na naka-repacked sa maliliit na plastic bags ang dinala sa Cebu Provincial Capitol. Madaling naubos ang murang bigas.
Natigil ang pagbebenta ng P20 “Benteng Bigas Meron” (BBM) dahil sa idinaos na election noong Mayo 12, ayon na rin sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec). At muling ipinagpatuloy pagkatapos ng election. Bukod sa Metro Manila, kasama sa mga nabiyayaan ng P20 Benteng Bigas ang Bulacan, Cavite, Laguna, Mindoro, at Rizal. Tanging sa Kadiwa Stores mabibili ang murang bigas.
Pero hindi lahat ay makabibili ng murang bigas. Niliwanag ng Department of Agriculture (DA) na ang makikinabang lamang sa P20 per kilo ng bigas ay ang senior citizens, 4Ps members, PWDs at solo parents. Bukod sa mga nabanggit, wala nang iba pang pagbebentahan ng murang bigas.
Pero sinabi ng Malacañang na mag-a-allocate ng budget ang pamahalaan para sa susunod na taon upang ang lahat ay makabili ng murang bigas.
“Ang plano po sa susunod na taon po ay magkaroon po ng budget para maibigay po ang P20 na bigas kada kilo sa lahat. Iyan po ang plano depende pa po sa budget,” sabi ni Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Atty. Claire Castro. Ayon naman sa DA, ang murang bigas na mabibili sa Kadiwa Stores ay hanggang Disyembre 2025 lamang.
Ang P20 per kilo ng bigas ay ipinangako ni Marcos Jr. noong nangangampanya pa lamang. Ngayon ay natupad na niya pero hindi lahat ay nakinabang. Mas maganda kung magiging P20 na talaga ang presyo para lahat ay masaya. Kung pili lamang ang makikinabang sa P20 per kilo ng bigas, balewala rin ito. Marami pa rin ang salat sa buhay na ang pambili ng bigas ay pinuproblema. Maraming kapos ang suweldo at hirap makabili ng bigas.
Mas matutuwa ang mamamayan kung ang lahat ay makakabili ng murang bigas. Kaya naman itong gawin ng pamahalaan. Maaari namang mag-ani ng sagana sa bansa dahil malawak ang taniman. Kahit hindi mag-import ng bigas ay pupuwede. Tamang pamamalakad lang at pagtulong sa mga magsasaka.
- Latest