^

PSN Opinyon

Labis na paggamit ng cell phone, nauwi sa ‘dropping head syndrome’ para sa isang lalaki sa Japan!

MGA KWENTONG WEIRD - Ronniel Niko B. Halos - Pilipino Star Ngayon

ISANG 25-anyos na lalaki sa Japan ang naging sentro ng isang kakaibang medical case matapos siyang ma-diagnose na may “dropping head syndrome”, isang kondisyon kung saan hindi na niya magawang iangat ang ulo dahil sa labis na pagyuko at paggamit ng cell phone.

Batay sa ulat ng JOS Case Reports, nagsimula ang karamdaman ng pas­yente matapos itong makadama ng paninikip ng leeg, hirap sa paglunok, at mabilis na pagbagsak ng timbang.

Sa kalaunan, tuluyan na siyang nawalan ng kakayahang ituwid ang ulo dulot ng panghihina ng mga muscles sa leeg. Natuklasan din ng mga doktor na may mala­king bukol sa batok nito, bunga nang matagal na pagyuko habang nakatutok sa cell phone.

Ayon sa mga doktor, aktibo umano sa pisikal na mga gawain ang pasyente noong bata pa ito, ngunit nagbago ang lahat nang siya’y maging biktima ng ­matinding bullying noong high school.

Dahil dito, huminto siya sa pag-aaral at halos hindi na lumabas ng kanyang kuwarto. Sa halip, ibinuhos niya ang oras sa paglalaro ng games sa kanyang cell phone, na kalaunan ay naging dahilan ng malubhang kondisyon sa kanyang gulugod.

Sa isinagawang mga scan, nakita na ang kanyang mga cervical vertebrae ay malubhang napinsala. Na-dislocate ito at nagkaroon ng scar tissue dahil sa palagiang pagyuko.

Unang sinubukan ng mga doktor na gamutin ito sa pamamagitan ng neck collar, ngunit nang magsimulang mamaga at maging manhid ang kanyang leeg, nagpasya na ang mga eksperto na isailalim ito sa operasyon.

Sa ilalim ng mga surgical procedure, inalis ng mga surgeon ang bahagi ng deformed na buto at scar tissue bago nilagyan ng steel rod upang ma-stabilize at maituwid ang leeg ng pasyente.

Matapos ang anim na buwan, matagumpay na nakakapag-angat ng ulo ang pasyente at normal na ang kanyang posture. Sa isang follow-up check makalipas ang isang taon, nanatiling maayos ang kanyang lagay. Ginamit ng mga doktor ang kasong ito bilang babala sa publiko, lalo na sa mga kabataan, tungkol sa panganib ng labis na paggamit ng cell phone habang nasa maling postura.

Bagama’t karaniwang iniuugnay ang dropping head syndrome sa mga may neuromuscular condition, pinatunayan ng kasong ito na maaari rin itong idulot ng pisikal na pinsala sa gulugod dahil sa matagal na pagkakayuko.

Ang tamang postura at paglimita ng oras sa paggamit ng gadget ay hindi lamang para sa kaginhawahan, ito rin ay mahalaga upang maiwasan ang permanenteng pinsala sa katawan.

STORY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with