Cardinal Rosales ukol kay Pope Leo XIV at mga hamon ng Simbahan

"Habemus Papam!"—ipinakilala sa buong mundo ang ating bagong Santo Papa, si Cardinal Robert Francis Prevost na isinilang sa Estados Unidos, at pinili ang pangalang Pope Leo XIV.
Sa ikalawang araw ng Conclave, nasaksihan ng mundo ang paglabas ng puting usok mula sa chimney ng Sistine Chapel — hudyat na nakapaghalal na ng Santo Papa sa pamamagitan ng 2/3 boto mula sa 133 cardinal-electors.
Ang 2025 conclave sa paningin ng isang retiradong kardinal
Mananatiling lihim ang mga nangyari sa loob ng conclave kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis, alinsunod na rin sa panata ng katahimikan ng mga kardinal. Mabilis man o matagal ang proseso ng pagboto, may sorpresa man o malinaw na paborito, ang proseso ay mananatiling nakatago sa mata ng publiko. Isang bagay lamang ang tiyak – sa paglabas ng puting usok, isang buhay ang tuluyang nagbago, at ang Simbahan ay muling nakahanap ng bagong pastol.
Nakapanayam natin ang retiradong si Cardinal Gaudencio Rosales upang ibahagi ang kanyang karanasan at pananaw ukol kay Pope Francis at sa bagong Santo Papa (Panoorin ang part 1 ng aming special Papal Conclave interview – i-click ang link sa ibaba).
Bagama’t malakas pa rin ang 92-taong gulang na kardinal, hindi na siya nakabiyahe sa Vatican para sa libing ni Pope Francis at sa conclave dahil na rin ng katandaan. Nang tanungin kung paano niya ilalarawan si Pope Francis, sabi niya’y, “Magaling at makatao. May pagmamahal sa mga dukha, nagtatanggol sa mga inaapi, at may simpleng pamumuhay. Ang pinakamahalaga sa lahat, may malaking pagmamahal sa Diyos…. Salamat sa Diyos na may Pope Francis tayong nakilala.”
Kuwento naman ni Cardinal Rosales ukol sa conclave, alinsunod sa tradisyon ng Simbahang Katolika, lahat ng mga kardinal na pumunta sa Vatican — may karapatan mang bumoto o wala—ay nag-uusap muna at nagkakaroon ng mahabang diskusyon, bago pa man pumasok sa Sistine Chapel at simulan ang conclave. Kasama sa pinag-uusapan ang sitwasyon sa kani-kanilang mga parokya, mga hamong kinahaharap ng Simbahan, ang direksyon ng Simbahan, at ang kanilang mga tugon bilang mga pinuno. Ito ang nagsisilbing gabay sa pagboto ng mga cardinal. Batay sa napag-usapang mga isyu, naiisip nila ang mga lider na posibleng akma para mamuno sa pagtahak ng Simbahan sa tamang direksyong.
“Hindi na mahalaga kung saang bansa man galing ang bagong Santo Papa. Ang importante’y magtiwala sa Panginoon at sa kanyang napili, sa tulong na rin ng Espiritu Santo,” dagdag ni Rosales.

Bagamat ikatlo sa mga pinakamatandang obispo sa Asya, taglay pa rin ni Cardinal Rosales ang positibong panaw at pag-asa. Nang tanungin kung ano ang kanyang mensahe para sa bagong Santo Papa, sabi niya, “Sumunod sa kagustuhan ng Diyos, magpakabanal, magpakumbaba, mamuno nang tama at gawin ang mga gustong ipagawa sa atin ng Poong Maykapal.”
Ang misteryosong conclave
Dahil sa pelikulang Conclave noong 2024, nasilip natin ang proseso ng paghalal sa bagong Santo Papa. Bagama’t ang ilang mga kardinal na nakapanood nito ay nagsabing ma-drama masyado ang naging bersyon ng Hollywood, may ilang makatotohanan din naman daw na naging paglalarawan, lalo na pagdating sa mga pangunahing mga hakbang. May papal constitutions naman kasi na sinusunod ang Vatican pagdating sa pagsasagawa ng conclave, at puwede namang basahin ito ng publiko. Ang sikreto ay ang aktwal na diskusyon at botohang nagaganap.
Makatotohanan din daw ang naging pagpapakita ng bigat ng responsibilidad na kaakibat sa pagiging Santo Papa, at maging ang bigat ng responsibilidad ng pagpili sa kanya.

Isa sa mga ipinakita sa pelikula ay ang Room of Tears. Ito ang unang pinupuntahan ng bawat bagong Santo Papa upang isuot ang papal vestments o ang kanyang opisyal na kasuotan bilang Papa. Ang Room of Tears ay sumasalamin sa emosyon at bagong pasaning bitbit ng bagong posisyong ito, kasama na rito ang kawalan ng sariling buhay dahil ang Santo Papa ay pagmamay-ari na ng buong mundo (Panoorin ang part 2 ng aming special Papal Conclave interview – i-click ang link na nasa ibaba).
Mahirap man ang tatahaking landas ng bagong Papa, hindi siya nag-iisa. Sa tulong ng pag-alalay ng mga nagdaang Santo Papa, may naiiwang matibay na pundasyon na gagabay sa mga susunod na lider ng Simbahan.
Balik-tanaw sa mga nagdaang Santo Papa

- Pope St. John Paul II (Cardinal Karol Wojtyla, Polish, Panunungkulan: 1978–2005)
– Bukod sa pagiging santo, kilala siya sa pagsusulong ng interfaith dialogue at sa kanyang mga paglalakbay sa iba’t ibang panig ng mundo. Malaki ang kanyang naging papel sa pagtatapos ng Cold War at pagbibigay-diin sa dignidad ng tao at katarungang panlipunan.
- Pope Benedict XVI (Cardinal Joseph Ratzinger, German, Panunungkulan: 2005–2013)
– Kilala sa kanyang taglay na talino at lalim ng teolohiya, pinangunahan niya ang Simbahan gamit ang pananampalataya at katwiran. Ikinagulat ng mundo ang kanyang pagbibitiw, isang hakbang na simbolo ng kababaang-loob.
- Pope Francis (Cardinal Jorge Bergoglio, Argentine, Panunungkulan: 2013–2025)
– Ang “People’s Pope” ay hinangaan sa kanyang kasimplehan at pagiging bukas sa lahat. Kilala siya sa paniniwalang unibersal ang Simbahan, sa pagsusulong ng interfaith dialogue, at sa panawagan para sa ecological at panlipunang pagbabago sa pamamagitan ng kanyang second encyclical na Laudato Si o ‘praise be to You’
Sa mundong hati-hati dahil sa digmaan, pulitika, gutom, at kahirapan, kailangan natin ang isang lider na kasing talino ni Benedict, kasing tapang ni John Paul, at may kasing baba ng loob na tulad ni Francis.
Ating ipanalangin si Pope Leo XIV, na siya’y patuloy na gabayan ng Espiritu Santo upang ang kanyang pamumuno ay maging daan tungo sa inclusivity, social responsibility at kabanalan.
----
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, and Twitter. Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa [email protected].
- Latest