EDITORYAL - K to 12 graduates ubra nang magtrabaho

MAARI nang magtrabaho sa government sector ang mga nagtapos ng senior high school, base sa direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. kamakailan. Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, binuksan ng pamahalaan ang entry level positions sa mga nakatapos ng K-12 program. Layunin umano nito na mapalawak ang pagkakataon para makapagtrabaho sa public sector.
Kasabay sa direktiba ng Presidente, naglabas ang Civil Service Commission (CSC) ng Resolution No. 2500229 na nag-aamyenda sa mga kuwalipikasyong kailangan para sa mga nagtapos ng junior high school (Grade 10) at senior high school (Grade 12). Ang mga kukunin ay ang mga nagtapos simula 2016.
Ayon kay Castro, tatanggapin din sa gobyerno ang mga nagtapos ng technical-vocational track na may TESDA NC II certification. Sa bagong alituntunin ng CSC, inamyendahan ang mga dating qualification requirements para sa mga posisyong clerical, custodial, at iba pang sub-professional upang iayon sa pagkuha ng empleyado na nagtapos sa K-to-12 program.
Maganda ang hakbang na ito ng pamahalaan na pinapayagan nang makapagtrabaho sa pamahalaan ang mga nagtapos sa ilalim ng K-to-12 program. Sa panahon ngayon na marami ang walang trabaho, ang pagbubukas para sa mga graduates ng K-to-12 ay makababawas sa problema ng unemployment. Sa pinaka-latest Labor Force Survey noong Marso, naitala ang 3.9 percent unemployment rate. Marami pa rin ang nagbibilang ng poste. Ang hakbang na makapasok sa pamahalaan ang junior at senior high school graduates ay malaking kabawasan sa problema at sana magkaroon nang magandang bunga.
Ang isang nakapangangamba ay kung makalusot kaya sa trabaho ang mga bagong graduates. Hindi kaya sila mangamote sa haharaping trabaho sa gobyerno? Hindi kaya sila bumagsak sa mga unang buwan nang pagharap sa responsibilidad dahil sa kawalan ng kaalaman o kasanayan.
Kamakailan lamang, sa isinagawang hearing ng Senado, ibinunyag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 18.96 milyon na senior at junior high school students na nagtapos noong 2024 ang hindi marunong bumasa at makaunawa ng simpleng story. Nagtapos sila na walang nalalaman.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, head ng Senate committee on basic education, “functionally illiterate” ang mga Pilipinong hindi makabasa at makaintindi makaraang makakumpleto ng ilang taon sa high school.
Nakaaalarma ang ganito. Paano kung ang mga tatanggaping senior high school sa gobyerno ay salat sa kaalaman? Paano kung hindi pala sila ganap na nakaiintindi sa simpleng instruction? Baka makumpromiso ang serbisyo sa taumbayan.
- Latest