Kakaibang resulta ng eleksiyon
NATAPOS na ang eleksiyon. Maraming nagulat sa naging resulta. Ilang buwan tayong nakundisyon ng mga lumalabas na surveys kung saan pasok ang ilang kilalang kandidato. May mga kilala nga ako na hindi na bumoto dahil “wala nang gana” at sila-sila na naman daw ang mananalo. Pero nang naglabasan ang resulta, nagulat nga ang lahat.
Nagkamali ang surveys. Nawala sa Magic 12 ang ilang inaasahang pasok na pasok tulad nila dating senador Bong Revilla, dating Mayor Abby Binay at Ben Tulfo. At nakapasok naman sina dating senador Bam Aquino at Kiko Pangilinan. Hindi rin nakapasok ang mga kilalang pangalan tulad nina Manny Pacquiao, Francis Tolentino, Willie Revillame at Phillip Salvador.
Marami naman ang nasayangan sa mahigit pitong milyong boto para kay Doc Willie Ong na opisyal na umatras na sa halalan noong Pebrero. Hindi tinanggal ng Comelec ang kanyang pangalan sa balota kasi nagsimula na umano ang printing.
Naging malinaw din ang alitan ng mga kampo ni President Bongbong Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte. Malakas pa rin ang pag-endorso ni dating President Rodrigo Duterte sa kanyang mga kandidato. Apat sa kanila ang nakapasok sa Magic 12. Anim naman mula sa administrasyon ang nakapasok. Magiging mahalaga ito kung matutuloy ang kasong impeachment laban kay Sara dahil ang mga senador ang magsisilbing mga hurado.
Ayon sa PNP, naging maayos naman ang eleksiyon, maliban sa ilang lugar na kilalang mga “hotspot.” Mas marami rin umano ang bumoto ngayon kahit matindi ang init. Siniguro nila na mabibilang ang kanilang boto. Iba’t ibang opinyon ang lumalabas ngayon hinggil sa kakaibang resulta ng eleksiyon.
May nagsasabing nahati ang botante sa dalawang kampo kaya may ilang kandidatong nakapasok na hindi pasok sa surveys. May nagsasabing nagbabago na ang isip ng mga botante.
Anuman ang tamang paliwanag hinggil sa kakaibang resulta ng eleksiyong ito, ang mahalaga ay makapagsilbi nang maayos ang mga nanalong kandidato sa kani-kanilang posisyon.
May kasabihang Vox Populi, Vox Dei (Ang boses ng mamamayan ay ang boses ng Diyos). Kaya napakalaking responsibilidad ang mahalal sa gobyerno. Huwag sayangin at lalong huwag abusuhin.
- Latest