Trillanes kinulang sa preparasyon
HINDI napaghandaan ni dating Senador Sonny Trillanes ang pagtakbo niya bilang mayor ng Caloocan. Ibinoto ko sana siya dahil sa nagawa niyang pagsisiwalat sa mga iregularidad ni dating President Duterte nahaharap ngayon sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Pero malaki at kapuri-puri ang nagawa ng mga Malapitan sa lungsod. Nang mayor pa si Rep. Oscar Malapitan, ang dating tinatawag na Dios-dedo Makapatay Hospital ay naging modernong medical center.
Naipatayo rin ni Oca bilang mayor ang Caloocan University at naging makabago at state of the start facility ang Caloocan City Hall. Hindi man ito accomplishment ng kanyang anak na si Mayor Gonzalo “Along” Malapitan, ito’y naging positibong repleksiyon sa kanya.
Dynasty issue lang ang puwedeng ibato sa mga Malapitan na natabunan ng mga kapaki-pakinabang na accomplishment para sa mga taga-Caloocan. Hindi ko sinasabing monumental ang nagawa ng mga Malapitan ngunit kumpara sa mga naunang mayor, kasalu-saludo ang mga ito.
Bakit ngayong tapos na ang eleksyon ko sinasabi ito? Kasi, hindi ako propagandista. Kung bago mag-eleksiyon ko sinabi ito, sasabihin ng tao na ako ay magpi-praise release.
Sinasabi ko ito ngayon bilang kapitbahay ni Oca na kakilala ko na sapul pa nang ito’y nagbibinata. Marahil, may kakayahan din si Trillanes na maging mayor pero ito’y dapat pang patunayan. Sana nag-senador na lang siya at kailangan siya sa panahong ito.
- Latest