Paano lalabanan ang kanser
1. Maraming klase ng kanser. May kanser na nagagamot pa. May kanser na nakokontrol. May kanser na mabagal gumalaw o nare-reverse ang paglaki. Depende sa kanser at kondisyon ng pasyente.
2. Kahit anong stage pa ito, puwede pa ring mapahaba ang buhay.
3. Ang payo ko: magpatingin sa doktor; sundin ang payo ng doktor kung chemotherapy o surgery ang kailangan; lakasan ang loob at palakasin ang katawan; huwag munang umasa sa mga alternatibong gamutan dahil mas malaki ang tsansa ng pasyente sa gamutan ng doktor.
4. Kahit sabihing stage 4 pa, iba’t iba pa rin ang kahihinatnan nito. May stage 4 na seryoso at kalat na sa maraming parte ng katawan. May stage 4 na kaunti lang ang kalat at mas maganda ang prognosis. Tinawag lang ng ganitong stage dahil sa depinisyon ng staging.
5. Maraming factors ang tumutukoy sa haba ng buhay. Mahalaga ang gamutan ng doktor, suporta sa nutrisyon, suporta ng pamilya, lakas ng loob, determinasyon ng pasyente, positibong pananaw at pagdarasal sa Diyos.
6. Walang makapagsasabi ng haba ng buhay. Walang sinuman ang tiyak sa kanyang kinabukasan. Gumawa lang tayo ng mabuti.
7. Bilang doktor ang tungkulin ko ay magbigay ng inspirasyon at lakas ng loob sa pasyente.
8. Katuwang ng tamang gamutan, bigyan ng pag-asa at pagmamahal ang pasyente.
9. Kahit gaano kadilim ang hinaharap natin dapat magtiyaga at lumaban lang.
10. Walang imposible sa Diyos. Naniniwala ako na bibigyan tayo ng Diyos ng sapat na haba ng buhay para magawa ang ating misyon sa buhay
Mga pagkaing panlaban sa kanser
1. Bawang at sibuyas – Sa pagsusuri, ang mga sibuyas ay malakas pumigil sa paglago ng cancer cells. Ang bawang ay may sangkap na ally sulfides, na tumutulong sa pagsugpo ng kanser sa colon, suso, baga at prostate. Para maging epektibo, ang bawang ay kailangang durugin at prituhin ng kaunti. Huwag sunugin! Puwede ring kainin ng hilaw ang bawang, pero mag-ingat lang at nakahahapdi ito ng sikmura.
2. Shitake mushrooms na nabibili sa palengke - Ang Shitake mushroom ay may polysaccharides at lentinian, na nagpapalakas sa ating immune system (katawan). Kapag malakas ang ating immune system, mas hindi tayo magkakasakit. Sa Japan, ang mga pasyeteng nag-che-chemotherapy ay pinapakain ng Shitake mushrooms para bumilis ang kanilang paggaling.
3. Carrots - Ang madilaw na prutas at gulay ay may taglay na vitamin A at lycopene na tumutulong makaiwas sa kanser. Kasama ang mga carrots, kamote, kalabasa at kamatis. Sa isang 6 na taong pagsusuri sa breast cancer, napag-alaman na ang mga pasyenteng kumakain ng ganitong pagkain ay mas humaba ang buhay kumpara sa hindi kumakain nito.
4. Broccoli o cauliflower – Ang mga cabbages tulad ng bok choy, broccoli, cauliflower at brussels sprouts ay may sangkap na sulforaphane, na mabisang panlaban sa kanser. Sa pagluluto ng gulay, i-steam o lutuin lang ng bahagya na may kasamang olive oil. Huwag pakuluan ang gulay dahil mawawala ang bisa nito laban sa kanser.
Paraan ng pagluto:
1. Gamitan ng konting mantika lang. Igisa ang bawang at sibuyas.
2. Ilagay na ang half cup ng Shitake mushrooms.
3. Pagkaraan ng 2 minuto, ilagay ang one cup ng hiniwang carrots. Lagyan ng 2 kutsarang oyster sauce at one-fourth na basong tubig.
4. Pagkaraan ng 2 minuto, ilagay na ang two cups ng broccoli. Lagyan ng tubig kapag natutuyo na ang gulay. Maghintay ng 5 minuto hanggang maluto na ang gulay.
5. Huwag i-overcook ang gulay para maiwan ang sustansya. Huwag din damihan ang sarsa para manatili ang bitamina sa gulay.
- Latest