EDITORYAL - Tiyakin ng PNP ang mapayapang election

NGAYONG araw na ito magtutungo sa voting precincts ang mga tao para ihalal ang kani-kanilang mga kandidato. Ayon sa Commission on Elections (Comelec), tinatayang nasa 69,872,907 botante ang boboto ngayon sa buong bansa. Magsisimula ang election ng 5:00 ng umaga para sa senior citizens, persons with disabilities at mga nagdadalantao na tatagal hanggang 7:00 ng umaga. At kasunod na ang regular voting hours na magsisimula ng 7:00 a.m. hanggang 7:00 p.m.
Sinisiguro ng Comelec ang maayos at mapayapang elections. Sabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia sa isang radio interview na napakataas ng kanyang paniniwala na magiging tahimik ang eleksyon. Mabilis umanong matatapos ang botohan dahil maayos ang sistema at proseso para matiyak na magiging mabilis ang pagproklama sa mga mananalong kandidato. Umapela si Garcia sa publiko na magtiwala sa proseso ng eleksyon at huwag papatol sa mga kumakalat na maling inpormasyon o fake news.
Nilinaw din ng Comelec chairman na hindi totoo ang mga kumalat na posts na undervoting o kulang sa boto ay daan upang manipulahin ang boto. Ayon kay Garcia, kahit kulang ang boto, basta huwag lang sosobra, mabibilang ang boto.
Ang katiyakan na magiging mapayapa ang gaganaping election ngayon ay siniguro naman ng Philippine National Police (PNP). Ayon sa tagapagsalita ng PNP, walang namo-monitor na anumang banta sa seguridad ang gaganaping election.
“Walang namo-monitor na seryosong banta pero hindi tayo nagkukumpiyansa at patuloy ang ating intelligence gathering,” sabi ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo sa isang panayam sa radyo. Ayon kay Fajardo, sa kabuuan ng election period ay naging mapayapa ito bagaman may ilang insidente ng karahasan na naitala dahil sa alitan ng mga magkakalaban sa pulitika.
Tinitiyak ng Comelec at PNP ang maayos at mapayapang election. Harinawang mangyari ito at hindi na maulit ang mga karahasan na nangyari noong 1995 at 2007 elections na pawang mga guro ang nagbuwis ng buhay.
Namatay noong 1995 elections ang gurong si Filomena Tatlonghari ng Mabini, Batangas nang pagbabarilin ng mga armadong lalaki habang pinuprotektahan ang ballot boxes. Noong 2007 elections, namatay naman ang gurong si Nellie Banaag ng Taysan, Batangas nang sunugin ng mga armadong lalaki ang kanyang polling precinct. Itinuring na mga bayani ng election ang dalawang guro.
Tiyakin ng PNP na magbabantay sila habang ginaganap at hanggang matapos ang bilangan ng mga boto. Huwag iiwan ang mga kawawang guro na unang napapahamak dahil sa pagtupad ng tungkulin. Nakasalalay sa PNP ang mapayapang election ngayon.
- Latest