Araw ng halalan, araw ng bentahan

Makabayan ang mga umaangal sa mahal ng bilihin tapos humahanap ng pangkalahatang solusyon.
Makasarili ang puro angal tapos pinalalala pa ang suliranin.
Makasarili ang sumasali sa paghakot ng pulitiko sa botante para dalhin sa presinto. Makasarili ang bumoto sa taga-hakot na pulitiko, at ipasilip pa sa bantay niya ang tuldok sa balota.
Makasarili ang tumanggap ng suhol kapalit ng boto. Makasarili ang lumamon ng pakain ng pulitiko. Makasarili ang makipagsiksikan sa grocery store na parang patay gutom sa paggastos ng suhol. Makasarili na gamitin ang bahagi ng suhol sa pagrebonding ng buhok at paglalasing.
Paunti nang paunti ang makabayang botante. Nangangapagod at nangangamatay na sila. Nangingibang bansa na lang ang mga anak at apo nila sa pagkasuklam sa mga makasarili.
Samantala, palaki nang palaki ang halagang dinadambong ng pulitiko. Inuubos niya ang yaman ng bayan.
Hindi niya tinutustusan ang pagpapaunlad ng pananim, pangisdaan, manukan, at pagpapastol.
Winawaldas ang pera sa highway rock nettings, cat’s eyes, safety roller barriers para sa 70 percent kickback. Nagmamahal lalo ang pagkain sa kakapusan ng palay, gulay, isda, manok, baboy, kambing, baka.
Dahil sa kapos sa pagkain, humihina ang katawan ng makasarili. Hindi makapaghanapbuhay ng sapat. Napupulpol ang utak ng anak. Kumpara sa ibang bansa, kulelat sila sa Math, Science, at Reading Comprehension. Wala rin silang makukuhang trabaho sa panahon ng space travel at artificial intelligence.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest