^

PSN Opinyon

Bigo sa ibang bansa, pinalad sa Pilipinas

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kung sinasabing dahil sa kawalan ng magandang oportunidad sa Pilipinas kaya maraming Pilipino ang nangingibang-bansa, may mga overseas Filipino worker ang bumabalik dito sa atin dahil sa nabigo nilang pakikipagsapalaran sa dayuhang lupain. 

At tila kakatwa na sa pagbalik nila sa Pilipinas ay nakakita naman sila ng magandang oportunidad. Kung tutuusin,  mas nakakarami pa rin ang bilang ng mga Pilipinong nananatili sa ating bansa na nagpapahiwatig na hindi naman ganap nang walang pag-asa sa Pilipinas. Marami pa rin ang nakakaahon sa hirap, natutugunan kahit paano ang kanilang mga pangangailangan, may nakakain sa araw-araw, nakakatapos ng pag-aaral, nagkakatrabaho, nakakapagnegosyo, nagkakaroon ng mga arii-arian,  umaasenso, at nakakaraos kahit hindi masasabing mayaman. 

Isang halimbawa rito ang 30-anyos na ginang na si Rhona Mae Quijano ng Carcar City, Cebu na nagsimulang magtrabaho sa isang royal family sa Abu Dhabi sa bansang United Arab Emirates noong  Setyembre 2021. 

Ibinahagi ni Rhona Mae kay Zowanna Rose Lopez sa Philippine Information Agency na naging napakahirap sa kanya ang pangingibang-bansa dahil kailangan niyang iwanan ang kanyang asawa at ang 13 anyos nilang anak na babae. Iniwan din niya ang kanyang online “Ukay-Ukay store” na sinimulan niya noong 2019 para magbenta ng mga segunda manong apparel. Ang isa niyang hipag ang napakiusapan niyang mag-asikaso sa negosyong ito habang nagtatrabaho siya sa ibayong-dagat.

Pero noong nasa Abu Dhabi na siya, bukod sa homesickness ay nakakaranas siya ng mga stress dahil sa mga pang-iinsulto at panglalait sa kanya ng kanyang manedyer na isang Indian national. 

“Napakahina ko para maharap ang pagtatrato sa akin ng manedyer. Hinihiya niya ako sa harap ng ibang mga empleyado at kung minsan ay iniinsulto ako kapag nagkakamali ako,” salaysay ni Rhona Mae sa Ingles sa PIA.

Pagkaraan ng anim na buwan bilang overseas Filipino worker, umuwi si Rhona  sa Pilipinas dahil hindi na niya matagalan ang naturang mga panlalait. 

Pero pakiramdam niya, naliligaw siya at hindi niya tiyak kung paano siyang magsisimulang muli nang nasa Pilipinas na siya. Napakaliit lang ng naipon niya sa anim na buwan sa ibang bansa. 

Nang panahong iyon, nabalitaan niya ang programang “Balik Pinay, Balik Hanapbuhay Program” ng Department of Migrant Workers para sa mga distressed OFW. Nag-apply siya rito ng livelihood grant.

Bilang tulong-pangkabuhayan, binigyan si Rhona ng DMW ng P10,000 na ginamit niyang dagdag na puhunan sa kanyang online “ukay-ukay” business.  Sa sipag at determinasyon, nagsimula siyang kumita ng humigit-kumulang na P12,750 sa isang buwan.                

Naengganyo siyang itayo ang pangalawa niyang negosyo, ang  Zhenrique’s Homemade Banana Chips, noong Agosto 2023.

Mula sa benta niya sa banana chip, kumikita siya nang mula P1,000 hanggang P1,700 linggo-linggo. 

Dalawang dekada namang nagtrabaho ang 52-anyos na OFW na si Andrew Gutierrez sa Saudi Arabia. Pabalik-balik siya sa bansang ito mula noong 1997. Iba’t iba ang pinasukan niyang trabaho tulad sa office jobs, sales hanggang sa administration para sa multinational companies.          

Pero, ayon sa isang ulat ni Mara Cepeda sa The Straits Times, nagsimula ang problema ni Andrew sa naturang bansa noong 2020 habang nagtatrabaho siya sa isang electronics firms na ang negosyo ay may kinalaman sa mga dayuhang military unit. Inakusahan si Andrew ng pamahalaang Saudi ng pagiging espiya na kanya namang pinabubulaanan. 

Nakulong si Andrew ng anim na buwan. Hindi niya nakontak ang asawa niyang si Jameelah na nagtrabaho bilang teaching assistant sa Riyadh, Saudi Arabia na nang panahong iyon ay bumalik sa Pilipinas. Hiningi ng kanyang misis ang tulong ng pamahalaang Pilipino para siya makalaya. Nakalabas naman ng kulungan si Andrew pero na-trauma siya sa kanyang karanasan. 

Ipinasya ni Andrew na umuwi na lang sa Pilipinas at manirahan nang permanente kasama ng kanyang asawa at apat na anak sa Cabuyao, Laguna. 

Kasunod nito, nag-apply siya sa livelihood assistance program ng pamahalaan para sa mga bumabalik na OFW.  Nakatanggap siya ng P20,000 na ginamit nilang mag-asawa sa pagtatayo ng isang halal food business na pinangalanan nilang Kitchen Nettle Cabuyao Biryani House na nakapuwesto rin sa kanilang bahay. 

Nagsimula silang magbenta ng maliliit na tub ng chicken biryani sa kanilang mga kaibigan. Gumawa sila ng isang Facebook page para sa kanilang negosyo na nagkaroon ng 6,400 follower. Pinalawak nila ang kanilang menu na kinabibilangan din ng ibang pagkaing South Asian tulad ng chicken masala at Arabic dishes gaya ng shawarma at falafel na lagi nilang kinakain noong nasa Riyadh pa sila. 

Kumikita sila ng P180,000 kada buwan na katumbas ng kinikita niya dati sa Saudi Arabia. Nagpapasalamat ang kanyang pamilya sa pamahalaang Pilipino sa pagtulong sa kanila.        

“Iyong panimulang tulong ang nagtulak sa amin na magsipag at magtagumpay,” paliwanag ni Jameelah. 

Gayunman, nakakuha si Andrew ng daan-libong severance pay mula sa dati niyang employer sa Saudi Arabia.

   * * * * * * * * *

Email – [email protected] 

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with