Gusto mo manakawan? Humalal ka ng dynast
TATLO sa bawat limang Pilipino – 63 percent – ang nagsasabing mahirap sila. Resulta ‘yan ng Social Weather Stations survey nu’ng katapusan ng 2024. Pinakamalalang sitwasyon yan nitong nakaraang 21 taon.
Bakit lumalala ang karalitaan sa Pilipinas? Bakit sa ibang bansa paunti nang paunti ang hikahos? Dahil ‘yan sa tatlong kasamaan sa lipunan, anang mga eksperto:
l Korapsyon – Mahigit 20 percent ng pambansang budget ay kinukurakot, ulat ng World Bank. Sa P6.326-trilyong budget nitong 2025, P1.265 trilyon ay nanakawin ng mga politiko at burokrata.

Kutsabahan sa katiwalian ang Ehekutibo at Lehislatura. Nagbabalato ang Kongreso ng bilyun-bilyong pisong confidential-intelligence funds sa Pangulo. Kapalit nu’n, naglalaan ang Pangulo ng bilyun-bilyon ding pork barrels sa mga kasapakat na senador at kongresista.
l Political dynasties – mahigit isang daang taon nang nakaluklok ang mga dynastiya sa 82 probinsya. Palitan lang sa puwesto ang mga mag-asawa, magkapatid, magulang at anak.
Kontrolado nila ang kabuhayan sa kani-kanilang probinsya at lungsod: shopping malls, restoran, hotels, resorts, sinehan, gasolinahan, transportasyong dagat at lupa, pier, construction at hardware supply, at plantasyon.
Bata pa ay sinasanay na sa kurakutan.
l Maduming halalan – ginagamit ng dynasties ang kinurakot na pera ng bayan para paulit-ulit mahalal. Pinananatili nilang bobo at maralita ang madla, para madaling bilhin ang boto.
Sila-sila na lang imbis tayo-tayo. Hindi ‘yan demokrasya. ‘Yan ay plutocracy - paghahari ng mga mayayaman.
Matuto na sana tayo. Humalal ng bago, bata, at malinis.
- Latest