EDITORYAL — Murang bigas habampanahon

MAGTATATLONG taon bago natupad ang pangako ni President Ferdinand Marcos Jr. na magiging P20 per kilo ng bigas na mabibili sa mga Kadiwa Centers simula sa Mayo 2. Sabi ni Marcos sa kampanya noong 2022 presidential elections na pabababain niya sa P20 bawat kilo ng bigas. Maraming mahihirap ang nag-abang sa pangako. Lumipas ang dalawang taon at walang natikmang murang bigas sa kabila na si Marcos ang umaktong Agriculture secretary. Maraming ginawang paraan ang Department of Agriculture kasabay sa pagbabanta sa smugglers ng bigas.
Nang bitawan ni Marcos ang DA at ipinalit si Francisco Tiu Laurel pagkalipas nang mahigit isang taon, nanatili pa ring “ginto” ang halaga ng bigas. Patuloy din naman ang pagdagsa ng smuggled agri products kabilang ang bigas. Nadagdagan naman ang inaangkat na bigas ng bansa at naging number one importer ng bigas ang Pilipinas.
Sa kabuuan, walang nagawa ang estratehiya ng DA na mapababa ang bigas. Maski ang iminungkahing maximum suggested retail price (MSRP) sa bigas na nilunsad noong Abril 1 ay hindi sinusunod ng mga tindera sa maraming palengke sa Metro Manila.
Ang itinakdang MSRP sa bigas ay P45 per kilo subalit 70 percent ng mga palengke sa Metro Manila ang hindi sumusunod dito. Nanatili sa P48 hanggang P51 ang presyo per kilo ng bigas. Sabi ni Tiu Laurel, magkakaroon ng crackdown sa mga tinderang lumabag sa MSRP ng bigas. Sabi naman ng mga tindera, hindi nila puwedeng ibaba ang presyo ng bigas dahil mataas din ang kuha nila sa rice dealer. Wala umano silang kikitain kung ibababa ang presyo sa P45 per kilo.
Maaring wala nang aasahan pa ang DA sa kampanya sa MSRP dahil nga walang tumatalima na mga retailer sa palengke. Kaya ang pinagtuunan ng DA ay ang pamamahagi ng bigas sa mga Kadiwa Center na nagkakahalaga ng P20 per kilo. Sabi ni Tiu Laurel, ang ibebentang bigas sa Kadiwa ay de-kalidad. Noong nakaraang linggo, sinabi ni Vice President Sara Duterte na ang P20 pero kilo ng bigas ay ‘yung puwedeng kainin ng tao at hindi ‘yung pinapakain sa baboy. Hindi raw mga hayop ang mga Pilipino.
Ngayong may murang bigas nang mabibili ang mahihirap, inaasahan nang mababawasan ang nakararanas magutom. Sa bagong SWS survey, tumaas ang bilang ng mga nakaranas ng gutom. Habampanahon na sana ang P20 per kilo ng bigas. Magkaroon din ng sigasig ang DA sa pagpaparami ng ani at huwag umasa sa imported na bigas. Patunayan na kaya ng Pilipinas na mag-ani nang sagana.
- Latest