Lucena General Hospital, nasayang
SAYANG ang pinasimulang Lucena General Hospital. Hindi tinapos at nakatiwangwang na lang, anang ilang mamamayan sa lungsod. Ginastusan na nang malaki ngunit hayun, napapabayaan at hindi napapakinabangan. Pinuna ng netizens ang nakatiwangwang na malalaking gusali ng isang panukalang ospital sa lalawigan ng Quezon. Sabi nga ng artikulo sa Quezon Provincial News, dapat pinaganda muna ang serbisyo ng dating Quezon memorial Hospital na dating marungis at kapos sa maayos na serbisyo. Mantakin mo na bukod sa kawalan ng maayos na serbisyo, ang lumang ospital ay ginawang tambakan pa ang basement!
Ang mga gusali ng panukalang Lucena General Hospital ay ipinagawa ni Quezon 2nd District Congressman David “JayJay” Suarez. Ito’y nasa isang agricultural land sa Bgy. Mayao Parada, Lucena. Kasama ito sa Network of Protected Areas for Agricultural and Agro-industrial Development (NPAAAD) at Strategic Agriculture and Fisheries Development Zone (SAFDZ) o ang Agriculture and Fisheries Modernization Act. Kaya illegal ang pagtatayo nito.
Ito’y isang “Prime Agricultural Land” sa Lucena na may mataas na produksiyon ng palay dahil sa sapat na irigasyong napatayo sa pamamagitan ng pondo ng pamahalaan. Kaya sabi ng iba, ang proyektong ito ay paglabag sa RA 8435. Marami pa rin umanong paglabag si Suarez sapagkat walang konsultasyon at koordinansyong naganap sa DOH at sa iba pang kinauukulan, wala ring “Permit to Construct” mula sa DOH, walang Hospital Development Plan at walang anumang ordinansa para sa pagtatayo ng pagamutan.
Ni walang panukalang batas na ginawa si Cong Jayjay noong 2021 sa Kamara, gayundin ang kanyang asawang si ALONA party-list Representative Anna Villaraza Suarez at ang kanyang ina na noon ay Quezon 3rd District Representative Aleta C. Suarez, upang legal na maitayo ang Lucena General Hospital. Wala ring ordinansa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na noon ay pinamumunuan ng kanyang ama na si former Governor Danny Suarez.
Sa Kabila ng kakulangan ng legal basis, nagkaroon ng ground breaking ang proyekto. Wala akong tutol sa mga magandang proyekto basta’t may legal basis at hindi sa layuning mangumisyon sa pondong gagamitin. Ipinangako ni Suarez na mag-ooperate ang naturang ospital noong 2024 pero hanggang ngayon, nakatengga pa rin at di-napakikinabangan ng mga taga-Quezon ang milyun-milyong pondong inilaan para rito.
- Latest