Bus driver, hindi matatanggap ang retirement pay na 12 milyon yen matapos mabistong nagbulsa ng 1,000 yen sa trabaho!
Isang bus driver sa Kyoto, Japan ang hindi matatanggap ang kanyang retirement bonus na 12 million yen (4.8 million pesos) dahil nahuli siyang nagbulsa ng 1000 yen (400 pesos) na pamasahe! Sa isang regular inspection ng dashcam ng mga bus sa lungsod ng Kyoto noong February 2022, napansin ng mga opisyal ang hindi inaasahang kilos ng isang 58-anyos na driver: imbes na ihulog sa fare machine ang 1,000 yen na bayad ng isa sa mga pasahero, pasimple niya itong isinuksok sa bulsa ng kanyang uniporme. Agad siyang sinibak sa serbisyo at nawalan ng taishokukin—isang lump-sum retirement benefit na ibinibigay sa mga empleyado sa Japan matapos ang mahabang taon ng serbisyo. Sa kaso ng driver, umabot ito ng 12 million yen o halos 4.8 milyon pesos. Hindi tinanggap ng dating driver ang kaparusahan sa kanya. Kinasuhan niya ang lungsod ng Kyoto at iginiit na labis ang parusa para sa maliit na halagang kanyang kinuha, lalo’t naibalik na niya ang pera. Noong 2024, pansamantalang pumabor sa kanya ang Osaka High Court, at sinabing karapat-dapat pa rin siya sa kanyang retirement bonus. Ngunit hindi dito nagtapos ang laban. Umakyat ang kaso sa Korte Suprema ng Japan, at nitong April 17, ibinasura ng limang mahistrado ang ruling ng mas mababang hukuman. Ayon sa kanila, ang pagbulsa ng pera mula sa publikong pondo ay isang “seryosong misconduct” na sumira sa tiwala ng mamamayan sa sistemang pampasahero ng Kyoto.Ayon kay Shinichi Hirai, opisyal mula sa Kyoto Public Transport Bureau, “Ang bawat driver ay nagtatrabaho nang mag-isa at humahawak ng pera ng publiko. Kung palalampasin namin ito, baka magbukas ito ng pinto para sa kapabayaan at mawala ang tiwala ng publiko.” Sa huli, hindi lamang retirement bonus ang nawala sa bus driver, kasama na rin dito ang tatlong taong legal fees na tiyak na mabigat sa bulsa.
- Latest