Baby sa U.K., ‘dalawang beses’ ipinanganak!
ISANG “medical miracle” ang pinagdaanan ng isang guro sa Oxford, England matapos maisalba ang kanyang buhay at ang kanyang sanggol sa pamamagitan ng isang kumplikadong operasyon kung saan pansamantalang inalis ang kanyang womb o matris habang naroon pa ang kanyang dinadalang sanggol.
Si Lucy Isaac, 32, ay limang buwang buntis nang matuklasang mayroon siyang ovarian cancer.
Dahil sa panganib ng pagkalat ng cancer kung ipagpapaliban ang gamutan, napagdesisyunan ng mga doktor mula sa John Radcliffe Hospital na magsagawa ng operasyon kung saan inalis muna ang kanyang matris, kasama ang sanggol sa loob nito, upang matanggal ang cancerous tumors.
Pagkatapos ng operasyon, ibinalik ang sinapupunan sa kanyang katawan, at sa kabutihang-palad ay naisilang si Rafferty Isaac ng full-term noong Enero na may bigat na 6 lbs.
“Itinuturing naming himala ang lahat ng ito,” ani Lucy, na bumisita kamakailan sa ospital upang pasalamatan si Dr. Soleymani Majd, ang surgeon sa kanyang operasyon.
Ayon kay Dr. Majd, bihirang-bihira ang ganitong klaseng kaso at naging emosyonal ang buong team nang magtagumpay ang procedure.
Hindi naging madali ang desisyong ito para kina Lucy at kanyang asawa na si Adam, lalo na’t ang operasyon ay may dalang matinding panganib para sa mag-ina. Ngunit buo ang kanilang tiwala sa 15-kataong medical team na tumutok sa bawat yugto ng maselang operasyon.
Habang nasa labas ng katawan ni Lucy ang kanyang sinapupunan, ito ay maingat na binalot sa warm saline packs upang mapanatili ang ligtas na temperatura ni Rafferty.
Palit nang palit kada 20 minuto ang mga medikong nakaantabay upang hindi bumaba ang init ng katawan ng sanggol habang isinasagawa ang operasyon sa loob ng limang oras.
Pagkatapos ng pagtanggal sa tumor, matagumpay na ibinalik ang matris at isinara ang tiyan ni Lucy. Sa loob ng dalawang oras, nanatiling nasa labas ng katawan ang kanyang sinapupunan — mas matagal kaysa sa anumang naitalang kaso ni Dr. Majd noon.
Ayon sa datos, humigit-kumulang 7,000 kababaihan ang natutuklasang may ovarian cancer bawat taon sa U.K., kung saan dalawa sa tatlong kaso ay natutukoy sa huling yugto na. Higit sa 4,000 kababaihan ang namamatay sa sakit na ito taun-taon.
- Latest