Pilipino ba ang next Pope?
Sumagi ito sa isipan ko: nang dumalaw sa Pilipinas si Pope Francis noong 2015, paglabas niya sa pintuan ng eroplano sa NAIA ay inilipad ng hangin ang kanyang zucchetto. Ang succhetto ay ang maliit na skullcap na nakaputong sa ulo ng mga obispo. Ito ay sagisag ng awtoridad ng opisyal ng simbahan.
Nang liparin ng hangin ang putong na ito, wala sigurong nakaisip na may mensaheng dala-dala ito. Medyo malakas ang hangin at natural lang na may ganoong mga pangyayari.
Ngayon ko lang naisip na maaaring may pahiwatig ito na ang susunod na Papa na magsusuot nito ay baka isang Pilipino. Ang ating cardinal na si Antonio Luis Tagle ay napapabalitang paborito ni Pope Francis dahil sinusuportahan nito ang mga repormang isinasagawa ng pinuno ng Simbahang Katoliko.
Magugunita natin na mismong ang Papa ang nagtalaga kay Tagle sa isang mataas na position sa Vatican. Marami ang nakapansin na sa lahat ng mga Cardinal sa Vatican, si Tagle ang madalas kausapin ng Papa nang sarilinan.
May mga nagsasabi ring Vatican insiders na may mga pahiwatig ang Papa na gusto niyang pumalit si Tagle sa kanya sa Papacy. Of course hindi naman ang gusto ng Papa ang masusunod dahil ang Papa ay pinagbobotohan ng college of cardinals. At siyempre palaging napapasukan din ng pulitika ang eleksiyon ng isang Papa.
Lubhang radikal ang mga repormang nais ipatupad ni Pope Francis kasama na ang pagkilala sa karapatan ng mga members ng third sex na tinututulan ng mga konserbatibong kaparian. Kung suportado ni Tagle ang ganyang mga pagbabago, maaaring maging hadlang ito sa kanyang tsansang maging kauna-unahang Pilipinong Papa.
Ngunit Ano’ng malay natin? Sabi nga ng awitin, “Que sera sera, whatever will be, will be”. Diyos lang ang nakakabatid kung sino ang magiging kapalit ni Papa Francisco.
- Latest