^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Hulihin ang ‘utak’ sa Que kidnap-slay

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Hulihin ang ‘utak’ sa Que kidnap-slay

LUTAS na umano ang kaso ng pagkidnap at pagpatay sa Pilipino-Chinese businessman na si Anson Que at drayber nito na Armanie Pabillo, ayon sa Phi­lippine National Police (PNP). Ginawa ng PNP ang pahayag makaraang maaresto ang dalawang suspects sa Roxas, Palawan noong Biyernes Santo. Ang mga naaresto ay sina ­Richard Austria David at Raymart Catequista. Sumunod na araw (Sabado de Gloria), sumuko naman ang Chinese na si David Tan Liao sa Camp Crame. Ayon sa PNP, inamin ni Liao na sangkot siya sa pagdukot kay Que at iba pang Chinese na maraming utang sa kanilang grupo.

Ayon sa PNP, tiniktikan ng mga suspek ang biktima noon pang Enero ng kasalukuyang taon hanggang isa­gawa nila ang pagdukot at pagpatay. Dinala umano sa isang safehouse sa Bgy. ­Langka, Meycauayan, Bulacan, sina Que at Pabillo at saka pinahirapan hanggang ma­matay. May mga bakas sa leeg na hinihinalang binigti ang dalawa.

Natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa tabing kalsada sa Rodriguez, Rizal noong Abril 9. Nakabalot sa plastic bag ang mga bangkay at naka-duct tape ang mga mukha. Ayon sa PNP, huling nakita ang sasakyan ni Que sa Macapagal Blvd sa Pasay City noong Marso 29. Noong Abril 8, natagpuan ang inabandonang sasakyan sa Seminary Road, Bgy. Bahay Toro, Quezon City. Ayon pa sa pulisya, nagbayad ng P100 mil­yong ransom ang pamilya  ni Que sa kidnappers.

Karapat-dapat papurihan ang PNP sa pagkaka­aresto sa tatlong suspects sa pagkidnap at pagpatay kay Que at drayber na si Pabilllo. Pero hindi sila dapat tumigil dito sapagkat mas mahalagang mahuli ang “utak” sa pagkidnap at pagpatay sa mga biktima. Kapag nahuli ang “utak” sa krimen, saka lamang maituturing na lutas na ang kaso.

Sinabi ng PNP na may dalawa pang Chinese na hina­hanap kaugnay sa kaso ni Que at ayon sa kanila, ma­a­aring ang mga ito ang “utak” sa krimen. Ayon pa sa PNP, ang dalawang Chinese ay maaaring nakatira sa safehouse sa Meycaua­yan, Bulacan kung saan itinago at pinatay sina Que at Pabillo.

Nanawagan din ang Federation of Pilipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. na hulihin lahat ang mga suspect sa karumal-dumal na pagpatay. Una na ring nagpahayag ang pinuno ng samahan na na­­ra­rapat ibalik ang parusang kamatayan laban sa kidnapper. Hindi aniya katanggap-tanggap na nagbigay na ng ransom ang pamilya ng biktima pero pinatay pa rin ito.

Magsagawa pa nang malawakang manhunt ang PNP sa mga “utak” ng pagkidnap at pagpatay kay Que at Pabillo. Matatahimik at mapapayapa ang kalooban ng pamilya at mga kaanak ng biktima at ganundin ang Pilipino-Chinese community kung mahuhuli ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

PNP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with