EDITORYAL - Mga kandidatong ‘matatabil’ ang dila

Magandang buena mano si Pasig congressional candidate Christian “Ian” Sia. Mula nang magbiro o magpatawa siya sa isang campaign rally ukol sa mga single parent at sinundan pa niya nang pagbibiro naman sa kanyang babaing staff, nagkasunud-sunod pa ang mga kandidatong nagbiro o nagpatawa na wala sa lugar at nakakasakit ng damdamin. Hindi naman nakalampas sa Commission on Election (Comelec) ang ginawa ng mga kandidato at inisyuhan sila ng show cause order. Pinagpapaliwanag ang mga kandidatong “matatabil” ang dila.
Pinakabagong inisyuhan ng show cause order ay si Editha “Wowee” Manguera dahil sa racist na pahayag. Tumatakbo siyang mayor sa Pasay City. Ayon sa Comelec, sinabi ni Manguera sa campaign rally nito na “Tanggalin na natin ang Bumbay para wala nang amoy sibuyas na naiiwan sa Pasay Gen.” Umani umano ng tawanan ang sinabi ni Manguera. Ang tinutukoy ni Manguera ay ang mga dayuhang estudyante na nag-aaral at nag-i-intern sa Pasay City General Hospital.
Ayon sa Comelec, nilabag ni Manguera ang Comelec Resolution No. 11116 (Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines). Binigyan ng tatlong araw si Manguera upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat sampahan ng reklamo.
Inisyuhan din ng Comelec ng show cause order si Rep. Ruwel Peter Gonzaga ng 2nd District ng Davao de Oro dahil sa sexual remarks nito sa tatlong magkakahiwalay na events. Sinabi umano ni Gonzaga ang mga sumusunod:
“May mga gawain ang mga lalaki na tinatanong niya na kaya rin bang gawin ng mga babae? Kaya? Mas matindi nga siguro ang mga babae sa mga lalaki. Ang mga lalaki magaling kayong ‘umiyot.’ Kayo bang mga babae magaling ba kayong ‘umiyot’? O mas magaling pa kayo sa mga lalaki? ‘Yan ang mga tanong na dapat ninyong sagutin, bakit? Sasabihin niyo agad kaming mga babae, equal kami sa mga lalake. Pero hindi na ‘yan totoo ngayon. Hindi na talaga. Kasi karamihan sa mga babae, pinipili na lang kung saan sila. Sa ilalim ba o sa ibabaw? Sinasabi ko sa inyo si Nena Atamosa, labing apat na taon nang biyuda. Sigurado ako, Nagsara na ang ‘kanya.’ Susubukan mo bang paluwagan? Ibigay na ‘yan kay Kagawad Arguelles pero gusto ko sa lips. Sige na one, two, three. Pinagpawisan ka ba kagawad? ‘Wag na lang sa lips dito na lang. Sige na. Dotdot, susuyuin kita. Bumukaka ka na.” Si Gonzaga ay tumatakbong governor sa Davao de Oro.
Sinimulan ni Pasig candidate Sia ang pagbibiro at parang apoy na kumalat. Sabi niya sa isang event noong Abril 3: “Para sa mga solo parent ng Pasig, minsan sa isang taon, ang mga solo parent na babae, na nireregla pa, ‘nay malinaw na nireregla pa, at nalulungkot, minsan sa isang taon, pwedeng sumiping ho sa akin.”
Huwag maging matabil ang dila. Maging leksiyon ito sa mga kandidato na umaamot ng boto. Huwag kasangkapanin ang kapwa para makapagpatawa.
- Latest