Mga pagkaing pang-energy
Tayong mga Pilipino ay mahilig sa kanin. Ngunit alam ba ninyo na sa ibang parte ng mundo ay hindi sila kumakain ng kanin?
Heto ang iba pang carbohydrates na puwedeng magbigay ng lakas sa atin. Ang mga tinatawag na “Go” foods na puwedeng pamalit sa kanin.
1. Mais – Ang mais ay napakataas sa fiber na magpapabusog sa atin. Ang mais ay ginagawa ring corn flakes at popcorn. Ang pagiging dilaw ng mais ay dahil sa sangkap nitong Vitamin A at lutein na mabuti sa mata. May mga B vitamins din ito para sa ating nerves.
2. Patatas – Ang patatas ay mataas sa potassium at iron. Ang potassium ay nakatutulong sa paggalaw ng masel at pagtibok ng puso. Ang iron ay kailangan ng ating red blood cell.
Tandaan lamang na isama ang balat ng patatas sa pagluto dahil nandito ang fiber, potassium at iron. Puwedeng pang-sahog ito sa mechado, menudo o giniling. Ngunit hindi masustansya ang French fries dahil naiprito ito sa mantika at nilagyan nang maraming asin.
3. Kamote – Ang kamote ay kulay orange dahil sa taglay nitong carotenoids at Vitamin A. Ang carotenoids ay isang sangkap na maaaring makatulong sa pag-iwas sa kanser sa baga, kanser sa balat at kanser sa prostate.
Sa mga naninigarilyo, kumain ng isang tasang kamote araw-araw para mabawasan ang tsansang magkaroon ng lung cancer.
4. Saging – Masustansiya ang lahat ng klase ng saging tulad ng saba, lakatan at latundan. Makatutulong ang saging sa may ulcer o nangangasim ang sikmura dahil tinatapalan nito ang tiyan.
Ang saging ay nagpapasaya at nagpapakalma sa atin dahil sa taglay nitong tryptophan na nagpapataas ng serotonin o happy hormones.
Puwedeng pakainin ang mga bata ng saging para ma-relax sila sa oras ng eksamen. Ang saging ay mayaman din sa potassium na kailangan ng mga nag-e-ehersisyo. Madali pang ibaon ang saging.
5. Yacon – Ang yacon ay hawig ang hitsura sa kamote. May taglay itong pampatamis, ang fructo-oligosaccharides, na ayon sa eksperto ay mabuti sa mga diabetic. Mataas din sa fiber ang yacon kaya nakakabusog ito at puwedeng makapayat.
6. Spaghetti – Nagbibigay ng lakas ang spaghetti dahil sa taglay nitong carbohydrates. Sa mga diabetic, mas mainam ang spaghetti kaysa sa kanin, dahil mas hindi tataas ang iyong asukal sa dugo.
7. Gatas – Ang gatas ay isang kumpletong pagkain dahil mayroon itong carbohydrates, protina at fats. May vitamin B pa ito na nagbibigay ng lakas. Piliin lamang ang low-fat milk para hindi tumaba.
8. Chocolate bar – Para sa kabataan, puwedeng kumain ng tsokolate dahil mayroon itong asukal, gatas at cocoa. Maituturing itong energy bar. Pero limitahan lang ang kakainin sa isang maliit na hiwa at baka ikaw ay tumaba.
9. Pakwan – Ang pakwan ay napakabisang natural energy drinks. Ang pakwan ay may 92% alkaline water na mabuti sa katawan. Punong-puno din ang pakwan ng vitamin B, potassium at electrolytes na kailangan ng taong laging pinapawisan. Maganda rin ang pakwan bilang panlaban sa heat stroke at init ng panahon.
10. Buko – Ang sabaw ng buko ay mayroong maraming electrolytes na maihahambing na sa suwero na ginagamit ng doktor. Ang laman ng buko ay may carbohydrates na nagpapalakas at nakabubusog din.
11. Nilagang itlog – Ang itlog ay siksik sa protina, vitamin B at vitamin D. May sangkap pa itong choline na kailangan ng ating utak. Limitahan lang ang pagkain sa 1 o 2 itlog sa maghapon.
12. Nilagang mani – Ang mani ay punong-puno rin ng protina, minerals at good fats na nagbibigay ng lakas. Mas masustansya ang nilagang mani kaysa sa pritong mani dahil wala itong mantika at mababa sa asin.
- Latest